IDINIIN ni Sen. Leila De Lima ang kahalagahan ng pagdinig ng komite sa Senado sa isyu ng maraming insidente ng extra-judicial executions sa bansa.
Ayon sa senadora, chairperson ng Senate Committe on Justice and Human Rights, ang focus ng imbestigasyon ay isyu ng ‘criminal act’ at hindi prosekusyon at pagharang sa kampanya ng pulisya sa ilegal na droga.
“Mayroong nakikisakay at nakikisabay lang sa lehitimong operasyon ng pulisya para makatakas sa batas,” wika ng senadora.
Aniya, nakaaalarma na ang situwasyon lalo at nabanggit ni PNP chief, Dir. Gen. Ronald Dela Rosa, mahigit 800 ang napatay ng mga vigilante at mahigit 700 ang namatay sa lehitimong ope-rasyon ng pulisya.
Nagpapakita aniya ito na mas malaki pa ang bilang ng mga napatay ng mga grupo na labas sa PNP.
Sinabi ni De Lima, sa kanyang opening statement na sinabayan ng audio visual presentation, naniniwala siyang hindi dapat magpatuloy ang ganito.
Tinawag pa niya itong “grabe na ito!” Mayroon siyang dala na 12 testigo sa Senado mula sa walong kaso sa 11 biktima ng anti-drug campaign.
Sa kabila nito, tiniyak ng senadora, ang pagpapatawag nang pagdinig ay upang makatulong na palakasin ang kampanya ng pulisya, Internal Affairs Service ng PNP at proteksiyon ng karapatang pantao.
( CYNTHIA MARTIN )