Thursday , December 26 2024

Kontra sa pamamaslang sa drug suspects

ILANG oras bago magsimula ang pagsisiyasat ng Senado sa sunod-sunod na pamamaslang bunga ng pagkakaugnay ng mga biktima sa ilegal na droga, ay pitong tao pa ang nadagdag sa listahan ng mga nasawi.

Ang apat ay namatay sa kamay ng mga elemento ng Manila Police District (MPD), ang isa sa pulis ng Marikina at ang dalawa naman sa mga hindi nakilalang lalaki.

Daan-daang mga sangkot sa bawal na droga ang napaslang sa mga nakalipas na buwan.

Iniuugnay ang mga pagpatay sa pangako ni Duterte noong kampanya na paiigtingin niya ang laban sa droga.

Ayon sa isang himpilan ng TV, umabot na sa mahigit 600 ang mga suspek sa droga na napaslang mula nang maupo si Duterte sa puwesto. Ang 374 sa kanila ay napaslang sa operasyon ng mga pulis samantala ang 245 ay sa hindi kilalang mga mamamatay-tao.

Mahigpit ang utos ni Duterte sa mga pulis na hulihin ang mga suspek sa droga at kung may lalaban ay patayin upang maipagtanggol ang kanilang sarili.

Dahil nagiging kontrobersyal ang sunod-sunod na mga pamamaslang, maging ang human rights expert sa United Nations ay hindi na rin nakayanang manahimik, at nanawagan sa gobyerno ng Filipinas na itigil ang “extra-judicial killings” sa mga taong sangkot sa droga.

Ang mga alegasyon ng kaso ng droga ay dapat umanong desisyonan sa korte at hindi ng mga armadong lalaki sa lansangan, pahayag nina UN special rapporteurs Agnes Callamard ng France at Dainius Puras ng Lithuania.

Nananawagan si Callamard sa mga awtoridad ng Filipinas na agarang ipatupad ang  mga kinakailangang panukala upang maipagtanggol ang lahat ng tao sa mga pamamaslang ng pulis o ng hindi kilalang mga tao.

Ang mga pahayag ng paglaban sa ilegal na droga ay hindi raw nagpapawalang-sala sa gobyerno sa pandaigdigang obligasyon nitong legal at hindi nagsisilbing kalasag sa mga taong gobyerno at iba pa sa kanilang responsibilidad sa ilegal na pamamaslang.

Ang bansa ay may obligasyon umanong tiyakin ang karapatang mabuhay at seguridad ng bawat mamamayan, kahit na pinaghihinalaang ito ng paglabag sa batas o hindi.

Pero noong Miyerkoles ay dinipensahan ni Duterte ang kanyang laban sa droga at sinabing inaako niya ang lahat ng responsibilidad sa mga tulak ng droga na napatay matapos lumaban sa mga umaaresto.

Ganoon pa man, inilinaw ng Pangulo na ang pagsa-salvage o summary executions ay kanyang kinokondena.

Duda akong papayag ang tigasin nating Pangulo na panghimasukan ng mga dayuhan ang kanyag laban sa ilegal na droga. Diskarte niya ito, mga mare at pare ko.

Malinaw na kung sa police operations ay sagot niya ang responsibilidad pero kalaban din siya ng mga gumagawa ng pangsa-salvage .

Palakpakan!

BULL’S EYE – Ruther D. Batuigas

About Ruther D. Batuigas

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *