Hindi lang Bilibid, BJMP detention cells dapat na rin busisiin!
Jerry Yap
August 15, 2016
Opinion
WAKE-UP call ang naganap na insidente sa Parañaque City BJMP Jail na ikinamatay ng 10 katao — sinasabing dalawang (2) Chinese national at walong (8) inmates.
Hindi lang sa National Bilibid Prison may nagaganap na kaaliwaswasan pagdating sa pamamahala sa mga bilanggo.
Sabi nga ng isang source natin, mas matindi ang mga raket sa mga detention cell na nasa ilalim ng DILG Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ano-ano ba ang mga detention cell na nasa ilalim ng BJMP?!
Lahat ng detention cell ng police stations, sa municipality, cities, provinces at regional police offices.
Mas malawak pa ‘yan kaysa mga kulungan na nasa ilalim ng pamamahala ng Bureau of Correction (BuCor).
Kaya ibig sabihin, kung mayroong nagaganap na mga iregularidad mas marami rin ang sabit at kasabwat.
Sa madaling salita, talamak ang graft & corruption at droga sa mga jail sa ilalim ng BJMP!
Ang unang nakapagtataka rito, bakit ‘yung sampung preso, na kinabibilangan ng dalawang Chinese national ay nasa loob ng opisina ni Supt. Gerald Bantag?!
Bakit nga ba, Kernel Bantag?!
May malalim na meeting ba!?
Aba, mukhang mayroon kang dapat alamin DILG Secretary Mike Sueno?!
Hindi lang pala si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang dapat mag-double time kundi maging si SILG Sueno…
SILG Sueno, balitaan mo naman kami!
FREQUENCY NI DIGONG
AT DIOKNO MAGKAIBA
NG PALA NG ‘PIHITAN’
Kumbaga sa frequency ng radio, magkaiba pala ng ‘talapihitan’ nina Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at Budget Secretary Benjamin Diokno.
Sabi kasi ng Pangulo sa pakikipag-usap niya sa ating mga pulis at sundalo, itataas niya agad-agad ang sahod nila.
‘E di siyempre, masigabong palakpakan…
At aminin natin sa hindi, ‘yung taas ng sahod na ‘yun ay nagdagdag din ng pangarap at ambisyon sa ating mga pulis at sundalo…
At kung dati ay dibdib lang nila ang nakaliyad at medyo nagtatago sa sombrero ang kanilang mga mukha, ngayon taas-noo nilang sasabihin, “Hoy, magiging middle class na rin kami. Hindi na kami magiging patay gutom at hindi na pagtitsismisan ng kapitbahay kapag nakabili ng bagong appliances at sasakyan, na galing sa extortion o payola ang ikinabubuhay namin.”
O ‘di ba, biglang mas mataas pa sa baha na hanggang dibdib ang ‘moral’ ngayon ng mga pulis at sundalo.
Baka lampas-ulo pa nga kung ikokompara sa baha. Ang siste, biglang pumiyok si Budget Secretary Ben Diokno sa hearing na ipinatawag ni Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV…
“Wala pa pong available budget!”
Tama naman ‘yun sa isang banda. Ang nagprepara kasi ng 2016 budget ‘e ang PNoy administration kaya wala pa talagang mapagkukuhaan ng budget para sa pagtataas ng sahod ng mga pulis at sundalo.
Puwede siguro ‘yan sa 2017.
Hindi naman sinungaling at masisisi si Pangulong Duterte.
Definitely, itataas niya ‘yan. Pero hindi pa ngayon. Sa susunod na appropriation act pa.
Maliban siguro kung may nasilip si Digong na nakatagong ‘subi’ ng dating administrasyon…
Kaya pansamantala, may alokasyong bigas at libreng pagpapagamot muna para sa mga pulis at militar ganoon din sa pamilya nila.
Abangan natin ‘yan…
BIKTIMA SI QC KONSI HERO
NG ILLEGAL NA DROGA
My sympathy goes to Mayor Herbert Bautista.
Biktima nga naman ng ilegal na droga ang kanyang kapatid.
Kaya ayaw nating isipin na sa anim na taon bilang Alkalde sa QC ay bigo siya laban sa ilegal na droga?!
Sabi nga ng ilang urot sa QC city hall, baka masyadong naging abala sa lovelife si Yorme Bistek at napabayaan ang utol niya?
Pero imbes pagtsismisan at laitin, mas dapat nga namang tulungan para makapagbagong-buhay lalo na kung hindi naman siya nagbebenta ng droga.
Ano nga naman ang gagawin ni Mayor, walang iba kundi i-extend ang kanyang kamay sa kanyang kapatid…
Hindi ito panahon ng pagtatakwil kundi panahon ng pagdamay sa isang naliligaw ng landas.
Maganda rin siguro na maging magandang ehemplo si Konsi Hero na maunang magpa-rehab sa itatayong drug abuse treatment facility ng QC.
Let’s give Hero a chance…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap