HINDI na umabot nang buhay sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang lalaking nagtangkang ‘tumubos’ sa kanyang girlfriend na inaresto dahil sa illegal na droga, makaraan makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa ikinasang entrapment operation kahapon ng madaling araw sa nasabing lungsod.
Sa ulat kay QCPD director, S/Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, mula kay Supt. Rogarth Campo, District Special Operation Unit (DSOU) chief, kinilala ang napatay na si Renan Roque alyas Ren, ng L and E Subdivision, Brgy. 3, Poblacion, Calamba, Laguna.
Ayon kay Campo, dakong 1:35 am nang maganap ang insidente sa kanto ng Kamias Road at Kalayaan Avenue, Brgy. Pinyahan, Quezon City.
Nauna rito, naaresto ng tropa ng DSOU at District Anti-Illegal Drug si Mary Ann Go, girlfriend ni Roque, nitong Agosto 6, 2016 sa drug buy-bust operation sa Narran St. kanto ng Almon St., Bgry. Claro ng nasabi rin lungsod.
Habang nakatakas si Roque at isa pang kasama sakay ng Hyundai Tucson.
Para makalaya si Go, nag-alok ng P50,000 si Roque sa tropa ng DSOU sa pamamagitan ng isang middleman para ibaba sa paglabag sa Sec. 11 ng R.A. 9165 na bailable, ang kasong isasampa kay Go.
Sa pamamagitan ng police asset, isang entrapment operation ang ikinasa laban kay Roque para sa panunuhol.
Sinabi ni Campo, pagdating sa pinag-usapang lugar sa kanto ng Kamias Road at Kalayaan Avenue, nakipagkita si Roque sa middleman at nang makaramdam na aarestohin siya nang matanaw ang nakahimpil na mobile car at papalapit na mga pulis sa kanya, bumunot ng baril ang suspek saka pinaputukan ang mga pulis.
Dahil dito, napilitang gumanti ang tropa ng DSOU at pinaputukan si Roque. Isinugod siya sa ospital ngunit hindi na umabot nang buhay.
( ALMAR DANGUILAN )