INIUTOS ni Quezon City Police District (QCPD) director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang masusing imbestigasyon sa dalawang pulis-Kyusi, kapwa dating nakatalaga sa anti-illegal drugs unit, at kasama sa ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Linggo na sangkot sa droga.
Ayon kay Eleazar, ang District Investigation and Detection Management Division (DIDMD) ang kanyang inutusan na imbestigahan ang pagkakasangkot sa illegal na droga nina SPO1 Johnny Mahilum at SPO1 Eric Lazo.
Bago ang expose ni Duterte, ang dalawa ay nauna nang sinibak ni Eleazar sa District Anti-illegal Drugs – Special Operations Task Group (DAIDSOTG) at itinalaga sa Support Unit sa Kampo Karingal.
“We shall file the appropriate cases against SPO1 Mahilum and Lazo should evidence warrants and recommend for their dismissal from the service,” pahayag ni Eleazar.
Sina Mahilum at Lazo ay naging kasamahan ni Sr. Insp. Ramon Castillo, dating team leader sa DAIDSOTG na napatay nang lumaban sa kapwa niya pulis sa buy-bust operation noong Hulyo 26, 2016 sa Dahlia St., Brgy. Greater Fairview, Quezon City.
( ALMAR DANGUILAN )