HUMINGI ng patawad si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko kung bakit parang ‘baliw’ na siya sa pag-uutos sa mga awtoridad na utasin ang mga sangkot sa illegal drugs.
Sa kanyang talumpati sa Ateneo de Davao University kamakalawa, inilahad ni Pangulong Duterte ang mga karumal-dumal na krimen na ginagawa ng mga lulong sa ipinagbabawal na gamot.
“Kaya patawarin na po ninyo ako kung I am driven also to insanity. I cannot, for the life of me, accept that stupid, gano’ng ano,” aniya.
Inilahad niya ang masaklap na karanasan ng isang kompare sa Davao City na nagpasaklolo sa kanya nang nakawin ng anak na drug addict ang baril na naiwan sa drawer at ginamit para gahasain ang mga kapatid na babae sa loob ng kanilang bahay.
“I’ll give you an illustration bakit ako galit sa droga ha. I have a friend, he lives in Insular Village. One night he called me. One, at dawn sabi niya: “Pareng Rody, puwede kang pumunta sa bahay ko?” I used to… inom-inom, kaibigan e. Sabi ko: “Bakit? Anong… Adre, anong nangyari?” Sabi niya: “Pumunta ka lang dito, sabihin ko na sa’yo.” Punta ako, pagdating ko diyan sa Insular Village. When I arrived at the… sa may bahay niya, I could hear the blaring sound ng music sa kanyang wagon or I don’t know if it was a suburban. But I could hear the howling cries of a woman,” kuwento niya.
“Akala ko, something horrible happened. It was horrible pero ganito ang istorya. “P’re, anong nangyari?” Sabi niya: “Rod, patawarin mo na ako but ‘yung baril ko naiwan ko sa drawer sa opisina ko sa baba ng bahay. Nakuha ng anak ko, pinasok ‘yung kapatid niya at tinalian ‘yung bunganga at itinali sa kama and he is raping his elder sisters now,” sabi ni Duterte.
Isinama ni Duterte sa kanyang bahay ang kompare para magpalipas ng galit at hinintay kumalma ang drug addict na anak dahil kung papasukin ng mga pulis ay baka manlaban at mabaril pa ang dalawang kapatid.
“Sabi ko na: “Alam mo ‘pag tinawag ko ‘tong pulis. Mamamatay talaga ‘to. Ang problema, ang pulis naman hindi naman magpakamatay ‘yan. Pag lumaban ‘yan o magpaputok, baka matamaan ang dalawa mong anak.” Sabi ko: “Halika ‘dre. Samahan na lang kita sa bahay ko.” Sabi ko sa asawa: “Ma’am, we are trying to avoid… Hindi naman scandal but stop crying,” ani Duterte.
Isinalaysay din niya ang isang kaso nang paggahasa at pagpatay ng isang drug addict sa isang 18-month old baby girl na pamangkin.
“Merong Christmas reunion. Kayong mga taga-Mandug alam ninyo ‘to. Tapos, hindi… in the gaiety, dumating ‘yung isang babae, karga-karga niya ‘yung 18 months old niya na anak. Hindi naman niya alam, kinuha ng kapatid niya.” Sabi: “O, ako karga. Ito pala ang pamangkin ko, maganda. Mas maganda pa sa nanay.” ‘Yun lang, as related to me. In the midst of merry-making, nawala, ang kapatid dala-dala ‘yung bata. So there was panic. About half a kilometer from the Mandug proper, doon sa kurbada ng river, ‘yung river bend, doon nakita ang bata, bukas na ang abdominal cavity, nawasak,” aniya.
Ang isang taon na diretsong paggamit ng shabu ay nakapagpapaliit ng utak ng tao, ayon sa forensic experts, kaya wala na sa katinuan, nakagagawa ng krimen at wala nang pag-asang tumino kahit ipasok sa rehabilitation center.
Kaya wala aniya siyang pakialam kung tumaas ang bilang ng mga napapatay ng awtoridad na drug addicts.
“Saan ako maghanap ng pera para pang-rehab? ‘Yung diyan may bangag na, those beyond redemption, alagaan mo ‘yan kasi pag ini-release ko sa labas ‘yan, magho-hold up na naman. Magnakaw, akyat-bahay, kung anong gawin, just to have their fix for the day. Addict e. It’s addiction,” sabi niya.
“Ang katawan… there’s a monkey riding at your back so you must have that dose of…. Kaya diyan ako galit. Now kung ganoon ang labanan, mababasa mo up to date, by tally ang lahat, 470. I do not care. I really do not care because I know na pagka ‘yang bangag na, the user is always a pusher, except if you are the son of Ayala, Gokongwei. Kung ikaw lang ordinaryo, taga-Tondo, once you get hooked into the drugs, you must find another one to hook with you para siya ang magbigay ng suporta, siya ang magbili para sa iyo,” aniya.
Muling tiniyak ng Pangulo na hindi siya titigil sa giyera kontra droga hanggang hindi lubos na nadudurog ang “apparatus” ng sindikato ng droga sa bansa.
ni ROSE NOVENARIO