Endo wawakasan na ni Pangulong Digong Duterte
Jerry Yap
August 3, 2016
Bulabugin
Tahasang ipinakikita ni Digong ang kanyang pagkiling sa mga naaagrabyadong maliliit na mamamayan.
Sa isyu ng labor only contracting o ENDO, mainit talaga ng ulo ni Pangulong Digong.
Binibigyan niya nang hanggang bago mag-2017 ang Department of Labor and Employment (DOLE) para tuluyang wakasan ang ENDO sa private sector.
Alam naman nating lahat kung sino nag unang tatamaan niyan.
Malalaking mall gaya ng SM, Robinson’s, Trinoma, Puregold at iba pang malls ng Ayala. Ganoon din ang mga call center, restaurants, hotels at iba pang establishments na ayaw na ayaw mag-regular ng mga empleyado dahil umiiwas sa mga benepisyong dapat nilang ibigay.
Siyempre apektado rin ang mga local manpower agencies lalo na ang mga security agency.
Sa pagwawakas ng ENDO, nasilip kaya ng DOLE kung ano ang magiging epekto nito sa iba pang kompanya na nag-middle man sa malalaking kompanya at jobseekers?!
Hindi natin sinasabi ito para panatilihin ang isang mali at mapagsamantalang sistema. Gusto lang natin ipasilip na sana ay magkaroon ng alternatibong programa ang DOLE at DSWD para sa mga maapektohan ng pagtutuwid ng sistema.
Napapanahon na sigurong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagbuhay sa mga industriyang maaari namang buhayin at malaki ang potensiyal na paunlarin dito sa ating bansa para makapagbigay ng trabaho sa ating mag kababayan.
Pag-aralan na rin kung paano, palalakasin ang agrikultura na hindi kailangang pansamantalahan nang husto ng mga panginoong maylupa ang mga magsasaka gaya ng mechanized farming.
Ang suntok sa buwan na agraryong reporma na ipinamimigay ang lupa sa mga magsasaka pero hindi naman binibigyan ng ayuda at pagsasanay ng gobyerno kung paano pauunlarin.
Kaya ang nangyayari ay ibinibenta naman ng mga magsasaka sa realtor na ginagawang mall, o subdivision, o theme park ang ipinamahagi sa kanilang lupa.
Sabi nga, there are 1001 ways to skin a cat!
Kaya kung magiging seryoso ang mga pinuno g pamahalaan na paunlarin ang ating ekonomiya dapat silang mag-umpisa sa kung ano ang mayroon tayo.
Pansamantala, gusto natin at suportado natin ang layunin ni Digong na wakasan ang ENDO — hanggang maitransporma ito sa isang makatao, makatarungan, at mapagkalingang pag-i-empleyo.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap