KUNG hindi naging padalos-dalos at nagpadala sa simbuyo ng damdamin si Vhon Martin Tanto sana ay wala siyang problema ngayon at hindi siya nakakulong. Hindi rin sana patay ang kanyang biktima na si Mark Vincent Garalde at hindi nanganib ang buhay ni Rosell Bondoc dahil sa tama ng ligaw na bala.
Kaso nagpadala sa yabang at nanghiram ng tapang sa baril si Tanto kaya nangyari ang hindi dapat mangyari. Kung pinalagpas sana ng macho ang init ng kanyang ulo ay hindi siya naghihimas ng rehas ngayon. Tiyak ko naman na hindi mababawasan ang kanyang pagkatao kung pinabayaan na lamang niya ang sitwasyon at tumuloy na lamang siya sa kanyang pupuntahan nang gabing mangyari ang patayan na nakuhaan ng video.
Pero macho si Tanto.
Kaya ayun pinagdurusahan niya ngayon.
***
Ang baril ay para sa pagtatanggol sa sarili hindi para ipakita ang pagiging macho. May palagay ako na ‘yung mga tao na ganoon na lamang kung ipangalandakan ang kanilang mga baril ay hindi mga tunay na macho kundi mahuchunurin lamang….ginagamit o ipinagyayabang ang kanilang mga baril para itago ang kanilang kahinaan.
Iyon ang hindi natanto ni Tanto.
* * *
Sa isang harapan namin ng aking mga dating kasama sa kilusan, lumabas ang maliliit o masa ang nagiging biktima ng digmaan laban sa droga. Sila ang tumatanggap ng ngitngit ng kasalukuyang administrasyon samantala ‘yung matataas na opisyal na sangkot ay pinakikiusapan na magbitiw sa puwesto pero “yung ganoong maliliit ay walang ganong pribilehiyo.
Hindi ko sinasabi na patayin din ‘yung mga opisyal na sinasabing sangkot sa pagpapakalat ng droga, ang sinasabi ko ay dapat nang tigilan ang patayan. Ipatupad ang “due process,” kasuhan ang mga dapat kasuhan at ibilanggo ang dapat ibilanggo. Iyon ang dapat.
* * *
Kagabi napadaan na naman uli ako Sa kahabaan ng Congressional Avenue mula Luzon hanggang EDSA at tulad ng dati, ganoon pa rin ang sitwasyon. Naghambalang pa rin ang mga pribadong sasakyan na ginagawang parking lot ang isang linya ng daan.
Sadyang walang ginagawa ang barangay, pulisya at lokal na pamahalaan sa problemang ito. Magkano kaya ang parating ng mga establisyemento sa kinauukulan sa lugar na ito?
* * *
Tutulungan daw ng pamahalaang Intsik ang administrasyong Duterte sa ginagawa nitong kampanya laban sa bawal na gamot. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang aking bagong e-news website, www.beyonddeadlines.com
Ang website na ito ay maglalaman ng malalalim na talakayan kaugnay sa mga pangyayari sa ating bayan at iba pa na mahalagang impormasyon para sa pang-araw-araw nating buhay. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin ang website na ito. Pakikalat ang balita tungkol sa www.beyonddeadlines.com Salamat po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd., Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort? fref=ts para sa karagdagan na impormasyon o reserbasyon.
USAPING BAYAN – Nelson Flores