BINAWI na rin ng pambansang pulisya ang naunang idineklarang Suspension of Offensive Police Operations (SOPO) epektibo kahapon sa buong bansa.
Ito ay batay sa inilabas na memorandum ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa kasunod nang ginawang pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa idineklarang unilateral ceasefire sa CPP-NPA-NDF.
Sa memorandum ni PNP chief, nakapaloob ang katagang “immediately” na pagpabawi ng ceasefire ng pulisya sa buong bansa.
Pinatitiyak din ni Dela Rosa sa lahat ng PNP units nationwide na manatili sa high alert at ipagpatuloy ang kanilang trabaho lalo na ang pagtugis sa mga rebeldeng grupo na banta sa seguridad ng bansa.
Sisiguraduhin din ng PNP na kanilang poprotektahan ang taumbayan lalo sa mga lugar na nag-o-operate ang grupong NPA.
“All office/ units must be on high alert and continue to discharge their normal functions and mandate to neutralize all threats to national security, protect the citizenry, enforce the law and maintain peace in all areas of responsibility,” opisyal na pahayag ni PNP chief Dela Rosa.
ni ROSE NOVENARIO