NASA high alert ang buong puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) makaraan bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang idineklarang unilateral ceasefire laban sa CPP-NPA-NDF.
Ayon kay AFP chief of staff General Ricardo Visaya, bilang pagsunod sa kautusan ng commander-in-chief, magpapalabas sila ng angkop na patnubay para sa lahat ng AFP units.
Sinabi ni Visaya, kanya nang ipinag-utos sa lahat ng kanilang puwersa na ipagpatuloy ang kanilang mga misyon lalo sa neutralisasyon ng mga grupo at indibidwal na banta sa seguridad ng bansa.
Magpapatuloy rin ang kanilang operasyon laban sa New People’s Army (NPA).
Siniguro ni Visaya na gagawin ng militar ang lahat nang sa gayon ay mapanatili ang kapayapaan lalo sa mga lugar na aktibong nag-o-operate ang komunistang grupo.
Aniya, trabaho ng militar na protektahan ang bayan at sambayanan laban sa mga grupong naghahasik ng karahasan.
ni ROSE NOVENARIO