MISTULANG drug war ang inilalarga ni Pangulong Rodrigo Duterte upang tapusin ang illegal na droga sa Filipinas.
Sa kanyang talumpati sa oath-taking ceremony sa League of Cities and Provinces sa Palasyo kamakalawa ng gabi, inihayag ni Pangulong Duterte na nakita niya ang lawak ng problema at kung hindi niya tutuldukan ang “drug crisis” sa bansa ay hindi na ito malulutas ng kahit tatlong susunod na pangulo ng bansa.
“This… it’s not a… it’s a drug problem. It’s a drug crisis. Three presidents from now would not be able to solve it. Masyado kasing corrosive ang pera e. So they can buy, you know, judges, fiscals, the police, mayors, governors, ganon talaga eh, pera,” ayon sa Pangulo.
Nawala na aniya ang takot na gumawa ng krimen sa bansa dahil kaya nang bilhin ng drug money ang proteksiyon sa gobyerno hanggang sa ‘itaas.’
“Because in this country alam ninyo ‘yan. Kasi kayo mga abogado. Nawala na ‘yung essence of fear to violate a law. Kasi nabibili na e. With the short, corrosive effect of money, kayang bilhin, sad to say, hanggang sa itaas. Hindi matapos ang problema e. May protector. Sila mismo ang nagluluto. Ngayon, hindi na, kasi alam ng mga bigtime, talagang yayariin sila. So nagsibatan,” paliwanag ng Punong Ehekutibo.
Ibinunyag ni Pangulong Duterte, bago siya umupo sa Palasyo ay nasa bansa pa ang mga big fish o ang drug lords.
Nang malaman aniya ng mga drug lord na nagkakapatayan na ay agarang umalis sila ng bansa at nag-o-operate na lang sa labas ng Filipinas sa pamamagitan ng kanilang mga tauhan.
Ngunit dahil sa modern technology aniya ay nagagawa ng druglords na magmando ng kanilang operasyon dito sa bansa kahit sila ay malalayo.
“Walang big fish dito. Kasi ‘yung noon meron. Pero when they… because they have this mansions and cars, enjoying life. But when they realize that killing time was coming, nagsibatan na. Now, they are using modern technology. They have this high, refined digital map. He will give the orders to his lieutenants here. Sabihin lang niya, itong sa mapa tingnan niya. ‘O, i-focus mo sa Tondo, o Pandacan, o dito. I-drop ninyo diyan banda sa… tapos ‘yung pera kunin mo, may naka-parking doon. May babae kunin mo lang ‘yung bayad,”sabi ng Pangulo.
Aniya, buhay ng kabataan at kanilang pamilya, ang sinisira ng illegal drugs kaya kailangan durugin ang galamay ng sindikato.
“I have to destroy the apparatus and it’s a very cruel game in this world na you earn a living at the expense of your fellowmen,” dagdag ng Pangulo.
Lahat aniya ng ginagawa ng kanyang administrasyon kontra-droga ay batay sa mga nakalap na impormasyon mula sa security agencies sa iba’t ibang panig ng mundo.
Matatandaan, nagkaroon ng aktibong papel ang US sa Colombia at Mexico drug war at umabot sa bilyon-bilyong dolyar ang ibinigay na ayuda para sa narcotics at law enforcement initiatives.
Layunin nitong makaakit ng mga mamumumuhunan, lokal man o dayuhan sa mga naturang bansa sa garantiyang nilalabanan ng kanilang pamahalaan ang kriminalidad partikular ang illegal drugs.
“One of USAID’s program goals is that the government of Mexico becomes more effective in curbing monopolies and eliminating anti-competitive practices. They focus on legislation related to telecommunications, banking and energy regulation. Another important objective is to advocate a new regulatory regime and additional privatization, deregulation, and foreign direct investment in the transportation, financial, energy and telecommunications sectors,” ayon sa artikulong Colombia and Mexico: Drug War Capitalism.
( ROSE NOVENARIO )