Friday , November 15 2024
PNP QCPD

9 ninja cops ‘ikinanta’ ng salvage victim

BAGAMA’T patay na nang matagpuan ang isang hinihinalang biktima ng summary execution, mistula niyang ‘ikinanta’ ang siyam ‘ninja cops’ o nagre-recycle ng nakokompiskang shabu, makaraan matagpuan sa kanyang katawan ang listahan ng pangalan ng siyam na mga pulis.

Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD), dakong 3:00 am nang matagpuan ang lalaking biktimang nakagapos ang mga kamay at laslas ang leeg, sa Central Avenue, Brgy. Culiat, Quezon City.

Sa katawan ng biktima ay may karatulang nakasabit at nakasulat ang katagang: “Drug pusher ako ng mga pulis na nagre-recycle ng shabu,” at ang pangalan nang sinasabing siyam na ninja cops.

Base sa ulat ng CIDU ang mga nakalistang pangalan ay sina Captain Damaso Gayatao alyas Father, PO3 Jojo Torrefiel, PO2 Max Tarafe, PO3 Mike Narag, PO2 Christian Barredo, PO2 Richard Galvez, PO2 Gary Gaerlan, PO1 Balistog at isang Tata Glen.

Ayon kay QCPD Director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar,  inaalam nila kung totoong sangkot sa pagre-recycle ng shabu ang siyam at aalamin din kung saan sila nakatalaga.

Aniya, titingnan din nila ang anggulong baka may galit lamang sa siyam ang sumulat sa kanilang mga pangalan.

Dagdag ni Eleazar, hindi maituturing na ebidensiya ang karatula.

“That is nothing. Pero ang mga nasa listahan ay i-monitor o i-check natin,” pahayag pa ni Eleazar.

( ALMAR DANGUILAN )

4 SANGKOT SA DROGA ITINUMBA NG CALOOCAN DEATH SQUAD

APAT pang lalaking sinasabing sangkot sa ilegal na droga ang itinumba ng Caloocan Death Squad, isang vigilante group, sa magkakahiwalay na lugar sa nasabing lungsod.

Ayon kay Caloocan Police Community Precinct (PCP) 5, PO2 Raffy Castillo, dakong 2:30 am naglalakad si Jomel Pernecida, 35, ng 043 Sampaloc St., Brgy. 178 Camarin nang pagbabarilin ng mga miyembro ng CDS.

Sa Brgy. 73, naglalaro ng cara y cruz si Jessie Canamon, 31, ng 1413 D.M. Compound sa burol ng kanyang kapitbahay dakong 1:45 am nang dumating ang motorsiklo ng mga miyembro ng CDS at siya ay pinagbabaril.

Habang dakong 8:30 pm nang pagbabarilin at mapatay ng hinihinalaang mga miyembro ng CDS sina Eduardo Williams, 28, ng P. Jacinto St., Brgy. 86, at Ramil Agaton, 42, dating barangay executive officer (Ex-O) ng Brgy. 168.

( ROMMEL SALES )

DRUG SUSPECT PINATAY NG CDS

PATAY ang isang drug suspect makaraan pagbabarilin ng mga lalaking naka-motorsiklo sa boundary ng Maynila at Caloocan, nitong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Jaime Trinidad, naunang sumuko sa Oplan Tokhang ng mga awtoridad.

Ayon sa imbestigasyon, nakatambay ang biktima sa labas ng kanyang bahay sa Gido 1, Brgy. 3 nang sapilitan siyang tangayin ng apat na nakamotorsiklong mga suspek.

Makalipas ang 10 minuto, natagpuan si Trinidad na wala nang buhay at tadtad ng tama ng bala.

Iniwan sa tabi ng biktima ang isang karatulang may katagang “Pusher ito, huwag tularan.” – CDS.

( LEONARD BASILIO, may kasamang ulat nina Kimbee Yabut at Joana Cruz )

PARAK, 2 PA PATAY SA BUY-BUST OPS SA TAGUIG

PATAY ang tatlo katao, kabilang ang isang pulis, makaraan makipagbarilan sa mga pulis sa buy-bust operation sa Taguig City kahapon ng madaling araw.

Namatay noon din sa insidente ang mga suspek na sina PO3 Leonilo Quiambao, 37, nakatalaga sa NCRPO; Byran Oliveros, 40, at Edwin Reyes, 46-anyos.

Habang ang pulis na si PO2 Alvin Taduyo ay dinala sa Taguig-Pateros District Hospital dahil sa tama ng bala sa kaliwang paa.

Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon sa 59 7th St., GHQ Village, Brgy. Katuparan dakong 2:28 am ngunit nakatunog ang mga suspek na humantong sa palitan ng putok ng dalawang panig at nagresulta sa pagkamatay ng tatlong suspek.

( JAJA GARCIA )

2 nakatakas
GUN-FOR-HIRE 1 PA UTAS SA SHOOTOUT

PATAY ang isang notoryus na gun-for-hire at pang-apat sa listahan ng drug personalities sa Northern area ng Metro Manila, at kanyang kasama makaraan makipagbarilan sa pinagsanib na mga tauhan ng Northern Police District (NPD) Maritime Police, Navotas Police at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Navotas Fish Port Complex, Navotas City kahapon ng madaling araw.

Sa ulat mula kay NPD acting director, Senior Supt. Roberto Fajardo, dakong 5:00 am nang isilbi ang arrest and search warrant ng mga pulis kontra kina Jun-Jun Tibay, Joel Dumas Carbonel at Kevin Garren dahil sa kasong paglabag sa R.A 10591, sa Concorde Fishing Corp. at BGA Compound, Navotas Fish Port Complex, nang pumalag ang mga suspek at nakipagbarilan sa mga awtoridad.

Makaraan ang ilang minutong palitan ng mga putok, bumulagtang walang buhay sina Jun-Jun Tibay at Roman Apita habang ang dalawang kasama ay nakatakas.

( ROMMEL SALES )

2 TULAK TIGBAK SA PARAK

PATAY ang dalawang lalaking hinihinalang tulak makaraan makipagbarilan sa mga pulis sa Caloocan City dakong 4:30 pm kamakalawa

Kinilala ang mga napatay na sina alyas Rakman at Mikel, kapwa nasa hustong gulang, at pawang residente ng Barrio San Isidro, Brgy. 188, Tala ng nasabing lungsod.

 ( ROMMEL SALES )

KIDNAPER NA SANGKOT SA DROGA UTAS SA PARAK

KINOMPIRMA ni Senior Supt. Romulo Sapitula, director ng Eastern Police District (EPD), sangkot sa ilegal na droga ang isa sa dalawang kidnaper na napatay sa Mandaluyong kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Sapitula, si Mark Newell Ong Co ay sangkot sa ilegal na droga batay sa isinagawang follow-up operation ng Mandaluyong City Police.

Nauna rito, naka-enkwentro ng mga pulis ang dalawang suspek nang magpang-abot sila sa Brgy. Malamig, Mandaluyong City sakay ng Toyota Corolla (TSE-452).

( ED MORENO )

About Almar Danguilan

Check Also

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

COMELEC Vote Election

Erice naghain ng supplemental Motion para tuluyang ibasura kontrata ng Comelec–MIRU

NAGHAIN ng supplemental motion sa Korte Suprema si dating Caloocan City congressman Egay Erice para …

Principal

PH public schools kapos sa principal

BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahang mapunan ang pagkukulang ng mga punong-guro sa mga …

AMLC

Bigtime money launderer dapat arestohin ng AMLC

UMAPELA si Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na palakasin ng Anti-Money Laundering …

Scam fraud Money

Nagpanggap na kaniyang pamangkin, Babae sa Tarlac tiklo sa online love scam

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng kinilalang si alyas “Tita” matapos magpanggap na kaniyang …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *