PATAY ang isang opisyal ng PNP nang lumaban sa mga kasamahang pulis sa anti-drug operation sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Isinagawa ang operasyon sa kahabaan ng Commonwealth Avenue laban kay S/Insp. Ramon Castillo, aktibong miyembro ng Quezon City Police District Anti-Illegal Drug Unit, aarestohin sana makaraan makabili ang nagpanggap na buyer ngunit lumaban.
Nakakuha ng limang pakete ng shabu ang mga awtoridad sa sasakyan ng nasabing suspek na tinatayang nagkakahalaga ng P1 milyon.
Sinasabing napansin ng suspek na unti-unti nang dumarami ang mga sasakyan na nakapalibot sa kanya hanggang humantong sa barilan.
Ayon sa ilang pulis, kabilang si Castillo sa tinaguriang “ninja cops” na inire-recycle ang mga droga na nakokompiska ng kanilang unit upang gamitin sa drug trade. ( ALMAR DANGUILAN )
DRUG PUSHER UTAS SA PULIS SA PARAÑAQUE
PATAY ang isang hinihinalang drug pusher habang nakatakas ang kanyang kasama nang lumaban sa mga pulis sa anti-illegal drug operations sa Parañaque City kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Abduljalil Amama, alyas Charlie Muslim, nasa hustong gulang, ng Unida St., Brgy. Baclaran ng lungsod.
Habang nagsasagawa ng manhunt operation ang awtoridad laban sa kasama ng suspek na kinilalang si alyas Dyango, nakatakas sa nabanggit na operasyon.
( JAJA GARCIA )
2 TULAK PATAY, 1 SUGATAN SA RATRAT
PATAY ang dalawa katao, kabilang ang isang babae, na sinasabing dawit sa ilegal na droga, habang isa ang sugatan makaraan tamaan ng ligaw na bala, nang pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek sa magkahiwalay na insidente sa Taguig City at Parañaque City.
Wala nang buhay nang matagpuan dakong 2:00 am sa Staging Area, Sitio Maliwanag, Brgy. Western, Bicutan, Taguig City ang biktimang si Reil Dagayloan, nasa hustong gulang, hinihinalang tulak, at miyembro ng Akyat-bahay gang, tadtad ng tama ng bala sa katawan.
Habang binawian ng buhay sa Ospital ng Parañaque si Elma Santos, 34, ng 6537 Tramo St., Brgy. San Dionisio ng nasabing lungsod, pinagbabaril ng hindi nakilalang lalaki dakong 3:00 pm sa overpass ng Ninoy Aquino Avenue, Brgy. La Huerta, ng lungsod.
Sugatan din sa insidente si Alejandro Moreno, 46, ice cream vendor, ng Joseph St., Brgy. Zapote, Las Piñas City, tinamaan ng ligaw.
( JAJA GARCIA )
BANGKAY SA KARTON NATAGPUAN SA CALOOCAN
NATAGPUAN ng mga barangay tanod sa loob ng karton ang bangkay ng isang hindi nakilalang lalaking hinihinalang biktima ng summary execution sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Sa imbestigasyon nina PO3 Noel Bolloso at PO2 Cesar Garcia, dakong 10:30 pm nang matagpuan ang bangkay sa panulukan ng Bagong Sibol at Martinez streets, Brgy. 28 ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng pulisya, nagpapatrolya ang mga barangay tanod sa kanilang nasasakupan nang mapansin ang isang kahina-hinalang karton kaya’t agad tumawag sa himpilan ng pulisya.
Agad dumating ang mga awtoridad at nang buksan ang karton ay nakita ang bangkay ng biktimang may saksak sa tiyan at leeg habang may marka ng sakal at nakuha ang isang plastic sachet ng shabu.
( ROMMEL SALES )