SIYAM miyembro ng Quezon City Police District ang nakatakdang ipatapon sa Mindanao dahil sa pagkakasangkot ng kanilang anti-illegal drug unit sa pagre-recycle ng kanilang nakokompiskang shabu.
Ayon kay QCPD director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang pagpapatapon sa siyam na pawang nakatalaga sa District Anti-Illegal Drugs Special Task Operations Group (DAID-STOG) at District Special Operation Unit (DSOU) ay base sa kautusan ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa.
Ang siyam ay itatalaga sa PNP Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Idinagdag ni Eleazar, ang mga pulis ay bahagi ng second wave ng mga pulis na itatapon sa Mindanao.
Umaabot na sa 44 QCPD pulis ang naipatapon na sa Mindanao.
Matatandaan, noong Hulyo 1, 2016, 35 QC policemen ang nauna nang inilipat sa Mindanao dahil sa isyung pagkakasangkot ng pagre-recycle ng shabu ng kanilang unit noong panahon ni Chief Supt. Edgardo Tinio bilang director ng QCPD.
Kinilala ni Eleazar ang siyam na sina SPO4 Angelito S. Camero, SPO3 Dennis N. Padpad, SPO2 Louie P. Gabion, SPO1 Ronaldo A. Isidro, SPO1 Feliciano D. de Leon, PO3 Nelson G. Cruz, PO3 Charlie N. Ulanday, PO3 Francisco A. Manago, at PO2 Allan L. Ibalin.
( ALMAR DANGUILAN )
2 DRUG PUSHER SA CALOOCAN ITINUMBA
PATAY ang ang isang 33-anyos ginang na sinasabing sakot sa illegal drug trade, makaraan pagbabarilin sa loob ng kanyang bahay kamakalawa ng madaling-araw sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police, deputy chief for administration, Supt. Ferdinand Del Rosario, ang biktimang si Christine Joy Predilla, residente ng Block 13, Lot 14, Phase 3, Natividad Subdivision, Brgy. 168 Deparo ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni PO2 Ryan Rodriguez,dakong 1:00 am nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima at pagkaraan ay nag-iwan ang mga suspek ng papel na may nakasulat na “Pamilyang Tulak, Huwag Tularan”.
Samantala, dakong 11:30 p.m. nang natuklasan ang bangkay ni Catalino Susano, 30, ng Phase 1, Natividad Subdivision, sa Jerusalem St., Brgy. Deparo ng nasabi ring lungsod.
( ROMMEL SALES )
TULAK NG DROGA UTAS SA PARAK
PATAY ang isang lalaking hinihinalang tulak ng droga makaraan lumaban sa mga awtoridad sa buy-bust operation sa Paco, Maynila kamakalawa.
Kinilala ang biktimang si Daniel Redota alyas Toto, 42, residente ng Block 49, Lot 36, Southville, Cabuyao, Laguna.
Ayon sa ulat ni SPO3 Milbert Balingan, dakong 10:30 pm nang maganap ang insidente sa buy-bust operation ng SAID PS 10 Pandacan, sa PNR Compound Paco, Maynila.
(LEONARD BASILIO, may kasamang ulat nina Kimbee Yabut at Joana Cruz)
PUSHER PATAY SA SHOOTOUT SA NAVOTAS
PATAY ang isang lalaki na sinasabing tulak ng droga makaraan makipagbarilan sa mga awtoridad sa operasyon laban sa droga sa Navotas City kahapon ng madaling araw.
Agad binawian ng buhay ang biktimang si Marcelo Garganta, 50, residente ng Road 10, Sitio Sto. Niño, Brgy. North Bay Blvd. South, ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon nina PO2 Allan Bangayan at PO2 Joemir Juhan, naganap ang insidente dakong 1:00 am sa Road 10, Sitio Sto. Niño, Brgy. NBBS.
(ROMMEL SALES)