HINDI na magmimistulang Oscar awards night sa Hollywood o fashion show ang State of the Nation Address (SONA) dahil nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging simple ang kanyang kauna-unahang SONA sa Lunes, Hulyo 25.
Naging tradisyon na abangan ang pabonggahan sa kanilang kasuotan ang mga dumadalo sa SONA, kabilang ang mga miyembro ng gabinete, mambabatas, mga asawa at iba pang mga personalidad.
Sinabi ni Atty. Paola Alvarez, spokesperson ng Department of Finance, hiniling ng komite sa mga dadalo sa unang SONA ni Pangulong Duterte, partikular sa mga kababaihan, iwasan ang pagsusuot ng long gown at simpleng damit na lang ang isuot sa okasyon.
Nakiusap din ang gobyerno sa mga militante na kausapin na lamang si Pangulong Duterte sa ibang pagkakataon kaysa magdaos ng kanilang rally sa mismong araw ng SONA.
Idinagdag ni Alvarez, palaging handang makinig si Pangulong Duterte sa kanilang hinaing tulad ng ginawa niya noong inagurasyon sa Malacañang na pinasundo pa sa PSG ang mga lider ng militante at inimbitahan sa Palasyo.
( ROSE NOVENARIO )