ITINAAS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang allowance ng mga coach at atleta na sasabak sa Rio Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Sa kanyang talumpati sa send-off ceremony sa Philippine delegation sa Rio Olympics sa Rizal Hall kahapon, inianunsiyo ni Pangulong Duterte, gagawin niyang $3,000 ang allowance ng bawat atleta at coach mula sa dating $1,000, habang ginawang $5,000 ang para sa mga opisyal mula sa dating $4,000.
Sinabi ni Pangulong Duterte sa mga atletang Filipino, huwag silang matakot sa Zika virus bagkus ay gawin ang lahat upang makasungkit ang bansa ng medalya sa Olympics.
“Not everybody is given the honor to represent the country,” wika ni Duterte.
Kabilang sa mga atletang dumalo sa okasyon ay sina Kirstie Elaine Alora sa taekwondo, Hidilyn Diaz at Nestor Colonia sa weightlifting, Miguel Tabuena sa golf, Marestella Torres-Sunang sa athletics, at Ian Lariba sa table tennis.
Ang ibang atleta ay nasa abroad pa para sa kanilang training bilang preparasyon sa 2016 Rio Olympics na kinabibilangan nina Eric Shawn Cray (hurdles), Mary Joy Tabal (marathon), Charly Suarez at Rogen Ladon (men’s boxing), Jasmine Alkhaldi at Jessie King Lacuna (swimming).
Umaasa ang Filipinas na makasungkit ng medalya sa Rio Olympics. Ang huling nasungkit na medalya ng Filipinas ay noong 1996 Atlanta Olympics sa pamamagitan ng boxer na si Mansueto “Onyok” Velasco na nakakuha ng silver medal.
( ROSE NOVENARIO )