PATAY ang isang ginang makaraan pasukin at barilin sa harap ng kanyang pamilya ng isa sa tatlong hindi nakikilalang suspek na nakasuot ng bonnet sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Hindi umabot nang buhay sa Valenzuela City Hospital si Eleanor Ferrer-Nacion, 39, small sari-sari store owner at residente sa Riverside, Libis Baesa, Brgy. 160 ng nasabing lungsod.
Patuloy ang isinasagawang follow-up investigation ng mga pulis upang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pagpatay sa biktima.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Eduardo Tribiana, dakong 1:30 am nagpapahinga sa loob ng kanilang bahay ang biktima kasama ang kanyang pamilya nang pasukin ng tatlong armadong mga suspek na pawang naka-bonnet at binaril ang ginang, pagkaraan ay mabilis na tumakas.
Base sa nakalap na impormasyon ng pulisya, bago ang insidente, isinumite ng biktima ang kanyang sarili sa kanilang barangay dahil sa programa ng PNP na“Oplan Tokhang” at nagpakilala bilang si Rosalyn Escapon ng East Libis, Brgy. 160, sinasabing isang aktibong drug personality sa kanilang lugar.
( ROMMEL SALES )
2 PATAY SA SHOOTING INCIDENTS SA MAKATI
DALAWA ang patay sa magkahiwalay ng insidente ng pamamaril sa Makati City kahapon ng madaling araw.
Batay sa report ng Makati City Police Station, isang Warly Tante, 29, ang nakitang patay sa bahagi ng Bernardino St., sa Brgy. Guadalupe Viejo, na may tama ng bala sa katawan.
Aminado ang mga kaanak ng biktima na gawain ni Tante ang pagkakabit ng illegal electrical connections.
Ngunit ayon sa mga lokal na opisyal, kilalang drug pusher ang biktima at holdaper na nag-o-operate sa EDSA Guadalupe area.
Samantala, isa pang patay na indibidwal ang nakita sa harap ng isang carinderia sa kanto ng Trabajo at JP Rizal streets sa Brgy. Olympia.
Kinilala ang biktimang si Raphy Macaraig, 30, naglalakad nang barilin nang apat na beses ng hindi nakilalang suspek.
Aminado ang mga kaanak ni Macaraig na dating drug pusher ang biktima.
Iniimbestigahan ng Makati Police ang dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril upang matukoy ang mga suspek. (JAJA GARCIA)
3 PA ITINUMBA SA MAYNILA
WALA nang buhay nang matagpuan ng mga awtoridad ang tatlong lalaking hinihinalang biktima ng summary execution kahapon sa magkahiwalay na lugar sa Maynila.
Ayon kay PO3 Dennis Turla, ng Manila Police District-Homicide Section, natagpuan ang isang biktima sa bangketa sa likurang bahagi ng Far Eastern University (FEU) sa Lerma St., Sampaloc, Maynila, dakong 1:40 am.
Sa tabi ng bangkay ay may iniwang papel na may nakasulat na “Talamak akong akyat-bahay at pusher. Magbago na kayo.”
Habang 8:40 pm kamakalawa nang matagpuan ang bangkay ng isang hindi nakikilalang lalaki sa panulukan ng Claro M. Recto at El Cano streets Sa Binondo, Maynila, may tama ng bala sa ulo.
Habang ang ikatlong biktima ay kinilalang si Marvin del Bauro, 20, miyembro ng Bahala na Gang, may tama rin ng bala sa ulo.
Ang biktima ay sinasabing natutulog nang barilin ng riding in tandem.
( LEONARD BASILIO )
DRUG PUSHER PATAY SA BUY-BUST OPS SA MISAMIS ORIENTAL
CAGAYAN DE ORO CITY – Napatay ang isang hinihinalang drug pusher nang manlaban sa mga tauhan ng Tagoloan Police Station (TPS) sa drug buy-bust operation sa lalawigan ng Misamis Oriental kamakalawa.
Kinilala ni Insp. Dante Hallasgo, deputy station commander ng TPS, ang suspek na si Melvin Tadeo, 18-anyos, residente sa Crossing Natumulan ng Tagoloan.
Kinompirma ni Hallasgo, boluntaryong sumuko si Tadeo nang inilunsad ang Oplan Tokhang ngunit natukoy ng mga awtoridad na hindi tumigil sa kanyang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Sa inilunsad na operasyon, napuruhan ng mga operatiba ng PNP ang suspek na armado ng baril.
Namatay ang suspek dahil sa malubhang tama sa kanyang dibdib.
Narekober sa suspek ang anim sachets hinihinalang shabu.