NGAYONG wala nang immunity sa kaso si dating Vice Pres. Jejomar Binay ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin para sa kanya.
Akalain ninyong kinasuhan ng Ombudsman si Binay ng graft, falsification of public documents at malversation kaugnay ng overpriced umanong pagpapatayo ng Makati City Hall Bldg., II na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon sa panahong siya ang nakaupong alkalde sa Makati.
Kapwa akusado ni Binay sa naturang kaso ang kanyang anak na si dating Makati Mayor Junjun Binay at 22 pang mga opisyal ng Makati City Hall.
Sa pagsisiyasat ng mga pulis ay lumalabas na nagkaroon umano ng iregularidad sa pagbili, pag-award para sa disenyo at architectural services ng building sa Mana Architecture and Interior Design Company dahil walang naganap na bidding.
Ngayon ay kailangan harapin ni Binay ang mga akusasyon at patunayan na wala siyang kasalanan. Kung tutuusin, malaki ang naging bahagi ng naturang mga akusasyon sa pagkatalo niya para Pangulo. Maaalalang sa simula ay nangunguna pa siya sa mga survey.
Pero nang maglabasan sa Senado ang mga isyu ng iregularidad kay Binay at sa kanyang pamilya ay nagsimulang bumaba ang kanyang ratings at nabawasan ang followers.
Ang sigaw ng sambayanan ay dumalo siya sa pagdinig ng Senado at sagutin ang mga akusasyon, pero umiwas siya at nanahimik. Hindi biro na mawala ang tiwala ng mga botante sa isang tao, mga mare at pare ko, lalo kung hindi nagawang sagutin ang mga isyu sa kanya.
Tandaan!
***
ANG simpleng pamagat ng ating kolum kahapon ay upang bigyang-diin ang pagbabago sa event ng samahang “Buklod Alyansa ng mga Nagkakaisang Anak ng Tondo (BANAT).”
Bahagi ito ng public service natin para ipaalam sa ating mga kababayan ang naturang pagbabago, upang hindi sila umasa na matutuloy ito ngayong Sabado. Tulong na rin ito sa mga kaibigan natin sa BANAT, ang grupo na kilala sa pagtulong sa mga mamamayang taga-Tondo.
Para sa kaalaman ng lahat, ang BANAT ay binubuo ng mga miyembro mula sa iba’t ibang propesyon tulad ng mga konsehal ng distrito, pulis, doktor, dentista, barangay chairman, barangay kagawad, negosyante at iba pa na pare-parehong nakatira sa Tondo.
Nagsasagawa sila ng medical missions upang makatulong sa mahihirap at dumaranas ng sakit. Dito nakapagpapatingin ang mga maralita. Bukod diyan, may handog pang gamot, wheelchair at saklay para sa mga may kapansanan. Pati nga tuli ay inihahandog nang libre para sa mga hindi pa nabibinyagan.
Sa totoo lang, mga mare at pare ko, kung ang mga samahan na tulad ng BANAT na tumutulong nang bukal sa loob para sa kapakanan ng mga maralita at nangangailangan nating kababayan ay tutularan ng maraming grupo, malaking pagbabago ang magaganap sa mundo.
Palakpakan!
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.
BULL’S EYE – Ruther Batuigas