INIHAIN na ni Sen. Leila de Lima ang kanyang panukalang magdaos ng imbestigasyon ang Senado kaugnay ng mga pagpatay sa ilang drug suspect sa nakalipas na mga araw.
Batay sa Senate Resolution No. 9, hinimok ni De Lima ang mataas na kapulungan ng Kongreso na alamin kung ano ang ginagawa ng mga alagad ng batas sa mga pangyayaring ito.
Layunin ng panukala na maingatan ang karapatan ng bawat tao, maging siya ay pinaghihinalaan sa ano mang usapin.
Giit ng mambabatas, kahit sangkot ang isang tao sa mga kaso, hindi ito rason para mangyari ang ‘extra judicial killings’ o ano mang karahasan.
Sa ngayon, matunog ang pangalan ni De Lima para maging chairperson ng Senate committee on justice and human rights, kaya posibleng siya rin ang manguna sa imbestigasyon ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
( CYNTHIA MARTIN )