MAMAYANG gabi na mapapanood ang finale episode ng “My Super D” sa ABS-CBN Primetime Bida at huwag kayong kukurap dahil ngayon ay itinakda nang harapin ni Dodong a.k.a Super D (Dominic Ochoa) si Tony o Zulu (Marvin Agustin) ang kaibigang traidor at noo’y sumira sa magandang pagsasama nila ng misis na si Nicole (Bianca Manalo) kasama ng kanilang anak na si Dennis (Marco Masa).
Mas tumindi pa ang kasamaan ni Tony kay Dodong nang mamatay ang daddy niyang si Don Ramon na orihinal na kontrabidang si Zulu na tinalo ni Super D sa laban.
Matindi ang ginawang paghihiganti dahil pumatay na siya ng mga inosenteng tao at ipinapasa niya ito kay Super D kaya nagiging masama ang imahe sa publiko. Mabuti na lang at nalinis ng ating Pinoy Super Hero ang kaniyang pangalan.
Samantala nasa panganib ngayon si Nicole, na sa kasamaang palad ay hindi nailigtas ni Oscar (Jayson Gainza) dahil nahuli sila ni Zulu, habang tumatakas at alam na ito ni Super D kaya hindi na palalampasin ang pakikipagtuos kay Zulu.
Isang matinding bakbakan ang mangyayari lalo’t malakas rin ang kapangyarihang taglay ng nasabing kontrabida. Sino ang magtatagumpay sa labanang ito ang masama o ang mabuti? Sabay-sabay nating samahan si Super D mamaya bago mag TV Patrol sa ABS-CBN-2.
Go go go SUPER D gyud!
Patuloy na ibibida ang pamilyang Filipino…
FPJ’S ANG PROBINSYANO HALOS ISANG TAON NANG NUMERO UNO
Handa na sa unang anibersaryo
Malalaking sorpresa ang handog ng numero unong teleserye sa bansa na “FPJ’s Ang Probinsyano” sa paparating na mga buwan bilang paghahanda at pasasalamat sa nalalapit nitong anibersaryo sa Setyembre na siguradong pakaaabangan ng mga manonood.
Dahil sa mainit na pagtanggap ng mga manonood sa seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin, makakasama pa rin ng mga tagasubaybay ang top-rating series bilang katuwang sa pagbibigay-aral at sa pagsasalamin ng araw-araw na pamumuhay ng bawat pamilyang Filipino. Mula nga nang umere ang palabas sa telebisyon, ipinakita ng “FPJ’s Ang Probinsyano” ang kahalagahan ng kapakanan ng pamilya at pagkakaroon ng matinding pagmamahal para sa bayan.
Nagbigay kaalaman din ang palabas ukol sa mga laganap na modus ng mga kawatan sa kampanya nitong “Ligtas Tips” na naglalayong tumulong sa mga mamamayan upang makaiwas sa pambibiktima ng mga sindikato. At ilan nga sa mga natalakay na modus ng kampanya ang budol-budol, kidnapping, at riding in tandem.
Hindi lang sa ratings namamayagpag ang serye kung hindi pati na rin sa social media. Consistent itong trending topic sa microblogging site na Twitter at mayroong milyon-milyong hits sa YouTube na kinatutuwaan ang mga eksena nina Onyok (Simon Pineda) at Makmak (McNeal Briguela) sa programa.
Lubos din kinagiliwan ang sorpresang guest stars sa palabas na mas nagpainit at nagdagdag ng aksiyon sa serye. Ilan nga sa kanila sina Anne Curtis, Angelica Panganiban, Richard Yap, Jake Cuenca, Elmo Magalona, Janella Salvador, Gina Pareño, at Christopher de Leon.
Naging bahagi rin ng top-rating series sina Nikki Valdez, Jane Oineza, Jay Manalo, Joem Bascon, Smokey Manaloto, at Maricar Reyes.
Bilang pasasalamat naman ng matagumpay na serye, ilang outreach programs na ang idinaos upang makatulong at makapagpasalamat sa mga kababayang nangangailangan.
Isa na nga rito ang nakaraang “Oplan Balik Eskwela” na pinangunahan ni Coco na namahagi ng school supplies sa mga mag-aaral ng Paradise Farm Elementary School sa Bulacan.
At sa pagpapatuloy ng maaaksiyong tagpo, tuloy-tuloy pa rin ang pagkitil ni Hector (Cesar Montano) sa buhay ng mga pulis. Sunod na nga sa kanyang listahan ang lolo ni Cardo na si Delfin (Jaime Fabregas).
Paano kaya mapipigilan ni Cardo ang mga plano ni Hector? Magawa niya kayang mailigtas ang buhay ng kanyang lolo? Malagay kaya sa peligro ang kanyang buhay? Huwag palampasin ang maaaksiyong tagpo sa numero unong primetime teleserye, “FPJ’s Ang Probinsyano,” gabi-gabi sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Puwede rin mapanood ang past episodes ng palabas sa iWanTV.com o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.
MAY SHOOTING SA MABUHAY COMPOUND NG “CALLE SIETE”
Dahil sa malaking halaga na ibabayad sa kanya ng production na gustong mag-shooting sa bahay nila ng mister na si Mark (Christian Vasquez) sa Mabuhay Compound ng “Calle Siete,” ay pumayag na rin si Shiela (Eula Valdez) na ipagamit ito.
At first day pa lang ng shoot ay riot na dahil bidang-bida ang lahat ng magkakapitbahay
rito. May umeeksena na gusto mahaba ang exposure pero sino ba ang mga artistang kasali sa project at part rin ba ng film ang dalagitang kikay na si Barbie (Ryzza Mae Dizon) at maganda at seksing Zumba instructress na si Patring (Patricia Tumulak). Alamin na lang at tutukan ang mga eksenang ito sa pagpapatuloy ng Calle Siete na mapapanood tuwing umaga bago mag Eat Bulaga sa GMA 7.
VONGGANG CHIKA! – Peter Ledesma