INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte si Labor Secretary Silvestre Bello III, tapusin na sa 2017 ang pagsasamantala ng mga kapitalista sa mga uring manggagawa sa pamamagitan nang pagtuldok sa umiiral na ENDO o end of contract scheme o labor-only-contracting.
Sinabi ni Bello, galit na galit ang Pangulo sa ENDO kaya’t sa pinakahuling cabinet meeting ay muling ipinaalala sa kanya na wakasan na ito.
Ang ENDO ay isang iskema nang paglabag sa Labor Code na ang manggagawa ay tinatanggal ng kanyang employer kapag umabot na sa limang buwan ang paninilbihan sa kompanya upang makaiwas sa pagbibigay ng mga benepisyo kapag umabot na sila sa anim buwan na pagtatrabaho.
Ani Bello hanggang katapusan ng 2016 ay tiyak na malaking porsiyento na ng mga kaso ng ENDO ang mawawala at sa susunod na taon, wala nang magiging biktima ng ENDO.
Ang sino mang magpatupad pa rin ng ENDO ay papatawan ng parusang pagkansela sa ‘certificate of registration’ ng kompanya.
Habang ang obrerong nabiktima ng ENDO ay magiging regular employee at ipagkakaloob sa kanya ang lahat ng benepisyong dapat niyang matanggap.
Samantala, pupunta si Bello ngayon sa Saudi Arabia para saklolohan ang overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil nagsara o nalugi ang mga pinagtatrabahuhan bunsod nang patuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Ilang opisyal ang makakasama ni Bello sa biyahe kasama si bagong TESDA Director General Atty. Guilling Mamondiong na aniya’y kabigan ni King Salman, hari ng Saudi Arabia.
ni ROSE NOVENARIO