HINDI makakikita ang publiko ng Disbursement Acceleration Program (DAP) sa national budget sa buong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tiniyak ito Budget Secretary Benjamin Diokno matapos humirit ng P3.35 trilyong budget para sa 2017 ang administrasyong Duterte sa pagbubukas ng 17th Congress bago matapos ang kasalukuyang buwan.
Sa press conference, sinabi ni Diokno, ang P3.35-T panukalang budget ay mas mataas ng 11.6 porsiyento sa kasalukuyang budget na P3.002 trilyon.
Tiniyak ni Diokno, tatalima sa naging desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa pork barrel at Disbursement Acceleration Program (DAP) ang kanilang isusumiteng proposed budget para sa 2017.
Aniya, hindi makakikita ang publiko ng DAP sa national budget sa buong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte
Sinabi rin niya na susubukan ng administrasyon na isama ang usapin sa Budget Reform Act na isusumite sa Kongreso upang kahit tapos na ang Duterte administration ay walang presidente ang makapagpapatupad ng DAP sa budget
Ngunit mabibigyan pa rin aniya ng kapangyarihan ang mga mambabatas na magpanukala ng kanilang proyekto sa General Appropriations Act.
Ipagpapatuloy pa rin ang Conditional Cash Transfer (CCT) program ngunit hindi nila palalakihin ang budget na inilaan sa CCT at mananatili ito sa P64 bilyon.
Ang Department of Education pa rin ang makatatanggap ng pinakamalaking bahagi ng budget na aabot sa kalahating trilyong piso.
( ROSE NOVENARIO )