DAHIL marami ang hindi nakapanood ng Gary V. Presents concert ni Gary Valenciano sa Resorts World Manila, muli itong mapapanood sa KIA Theater, Araneta Center Cubao sa Biyernes, Hulyo 15 at Sabado, Hulyo 16.
Kasabay ng Gary V. Presents ang ika-33 anibersaryo sa industriya ni Mr. Pure Energy at 30th anniversary ng kanilang management company na Manila Genesis Entertainment and Management, Inc..
Bale 4th installment na ito ng show ni Gary na naunang gawin ang dalawang gabi sa Resorts World, sinundan sa Dipolog City, at ngayon nga sa KIA Theater na ang mga guest ay sina Allan Silonga ng all-male vocal group na Daddy’s Home at X-Factor Philippines season 1 top finalist, world music singer na si Bullet Dumas, award-winning theater actress na si Carla Guevarra-Laforteza, ang mga produkto ng The Voice of The Philippines na sina Mitoy Yonting, Janice Javier, RJ dela Fuente, at Timmy Pavino, ang Star in A Million season 2 grand finalist na si Jimmy Marquez, suklay-diva na si Katrina Velarde, classical-pop singer na si Lara Maigue, singer-songwriter na si Abby Asistio, at ang bunsong anak ni Gary V. na si Kiana Valenciano.
May memorabilia exhibit din si Gary V sa Activity Center, Level 1 ng Gateway Mall para sa mga tagahanga niya na aabutin hanggang Hulyo 16, Sabado.
Kasama sa memorabilia exhibit ang mga tropeo ni Gary, costumes na ginamit niya sa iba’t ibang concerts dito at sa ibang bansa, magazine covers, concert and movie posters, merchandising materials tulad ng Gary V. mugs, T-shirts, notebooks, never-before-seen photos, vintage vinyl, cassette records, CD’s at marami pang iba.
Ang nasabing concert ay ididirehe ng mag-amang Gary at Paolo Valenciano para naman sa benefits of scholarship at diabetes programs ng Shining Light Foundation, Inc..
Samantala, magiging lolo na si Gary V, pero ayaw niyang magpatawag ng lolo o grandpa/grandfather.
Sabi nga nito sa presscon ng show niya, “please, make the world know that lolo does not apply to me, okay?
“It’s Papi, P-A-P-I, why? Because when my mother who is a Puerto Rican, pure, noong pumunta rito ‘yung grandfather ko, hindi niya maintindihan ang lolo dahil he only could speak Spanish, he could not understand grandpa or grandfather.
“But every time we called him Papi, he (grandfather) would give us his attention, so that’s how I’d like to be call, so it’s Papi Gary V,” paliwanag ni Mr. Pure Energy.
At dahil katabi lang namin si Ms. Angeli kaya tinanong namin kung ano naman ang itatawag sa kanya ng apo niya?
Natawang sabi sa amin, “ikaw talaga, I don’t know, maybe grandGeli, ha, ha.”
FACT SHEET – Reggee Bonoan