PATAY ang limang miyembro ng Asero holdup/carnap group na luminya na rin sa pagtutulak ng droga, sa isinagawang anti-drug operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4, kahapon ng umaga sa Novaliches, Quezon City, habang isang police asset ang sinasabing binigti ng grupo.
Ayon kay QCPD district director, Senior Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang grupong Asero ang responsable sa pagtangay ng mga motorsiklo sa lungsod na kanilang tsinatsaptsap at ibinebenta, ginagamit sa panghoholdap ng riding in tandem, at maging sa pagbebenta ng droga.
Samantala, kinilala ni Supt. Jericho Baldeo, hepe ng Novaliches PS 4, ang mga napatay na sina Efren Valdez, Romeo Villanueva, isang alyas Unya, Narciso Asero alyas Asero, pinuno ng grupo; at Jun Catampatan alyas Teteng.
Hiniling ni Supt. Baldeo na huwag nang banggitin ang pangalan ng pinatay na police asset.
Sinabi ni Senior Supt. Eleazar, dakong 7:00 am nang salakayin ng mga operatiba ng PS4 sa pangunguna ni Supt. Baldeo, ang hideout ng Asero group sa Sitio Kawayanan, Brgy. San Agustin, Novaliches.
Nauna rito, sa tulong nang napatay na police asset, natunton ng mga awtoridad ang pinagkukutaan ng Asero group.
Makaraan, iniutos ni Baldeo sa kanyang mga tauhan na magsagawa ng surveillance sa Sitio Kawayanan hinggil sa kinaroroonan ng grupo.
Nang magpositibo ang surveillance, sinalakay ng mga pulis ang kuta ng Asero group ngunit papalapit pa lamang sila ay sinalubong na sila ng mga putok ng mga suspek.
Bunsod nito, gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng limang gang member.
Samantala, nang magsagawa ng mopping operation sa bahay ni Asero, tumambad sa mga operatiba ang bangkay nang nakabigting police asset.
( ALMAR DANGUILAN )