PATAY ang isang AWOL na pulis na hinihinalang tulak, at isa pang pinaniniwalang drug pusher makaraan makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkahiwalay na operasyon nitong Linggo ng gabi sa nasabing lungsod.
Sa ulat kay QCPD director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang napatay na si PO3 Arnel Arnaiz, dating pulis-QC bago maitalaga sa huling niyang assignment sa Caloocan City Police, ngunit nag-AWOL.
Ayon kay Supt. Victor Pagulayan, hepe ng QCPD Talipapa Police Station 3, dakong 8:30 p.m. kamakalawa, habang nagsasagawa ng “Oplan Takhang” ang kanyang mga tauhan sa Virginia St., Jordan Village, Brgy. Baesa, Quezon City, kabilang ang bahay ni Arnaiz sa pinuntahan at kinatok.
Nagulat si Arnaiz nang makitang mga pulis ang kanyang ‘bisita’ kaya tumakbo papasok sa bahay, kinuha ang kanyang baril pinaputukan ang mga operatiba.
Bunsod nito, napilitang paputukan ng mga tauhan ni Pagulayan si Arnaiz na napatay noon din.
Samantala, dakong 8:30 pm nitong Linggo, sa operasyon ng QCPD La Loma Police Station 1, pinamumunuan ni Supt. Tom Nuñez, napatay ng kanyang mga tauhan sa shootout ang itinuturing na number two sa most wanted personalities sa hurisdiksiyon ng PS 1.
Ayon kay Eleazar base sa imbestigasyon ng PS 1, ang napatay ay si Carlito Santos alyas Kalbo, ng Samson Road, Brgy. Balingasa.
Nang katukin ng mga tauhan ni Nuñez ang bahay ni Santos, pinasalubungan ng putok ng baril ang mga pulis dahilan para gumanti ang mga operatiba na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Si Santos ay sinasabing sangkot din sa ilang naganap na holdapan at snatching sa Balintawak.
( ALMAR DANGUILAN )