APAT hinihinalang miyembro ng “Briones drug/carnap gang” ang napatay makaraan makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) District Anti-Illegal Drugs (DAID) at District Special Operation Unit (DSOU) sa isinagawang drug buy-bust operation kahapon ng madaling araw sa Brgy. UP Campus ng nasabing lungsod.
Sa ulat nina Supt. Robert Campo, DSOU chief, at Chief Insp. Enrico Figueroa, DAID chief, kay QCPD director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang napatay ay sina Ignacio dela Cruz, Earl Javier, isang alyas Jake, at isang alyas John.
Ayon kay Eleazar, dakong 1:30 am nang maganap ang enkwentro sa CP Garcia Avenue at Maharlika St., Brgy. UP Campus.
Nauna rito, isang pulis DAID na nagpanggap na buyer, kasama ang isang asset, ang nakipagtransaksiyon sa mga suspek para sa delivery ng 110 gramo ng shabu at nagkasundong magkita sa CP Garcia Avenue.
Dumating sina Dela Cruz at Javier sakay ng Toyota Innova (ZBL 969) sa lugar gayondin ang poseur buyer.
Nang magkaabutan, natunugan ng dalawang suspek na mga pulis ang kanilang katransaksiyon kaya nauwi ito sa barilan na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa.
Makaraan, sina alyas John at alyas Jake na sakay ng isang motorsiklo at tumatayong backup nina Dela Cruz at Javier, ay agad pinaharurot ang motorsiklo para takasan ang mga operatiba.
Hinabol sila ng tropa ng DAID at DSOU ngunit sila ay pinaputukan ng mga suspek.
Pagdating sa Maharlika Road, nakorner ng mga pulis ang dalawa ngunit imbes sumuko, lumaban pa kaya napiltan ang mga awtoridad na sila ay paputukan.
( ALMAR DANGUILAN )