NAGKAKUWARTA ang ilang matataas na opisyal ng administrasyong Aquino sa pagbibigay proteksiyon sa operasyon ng mga sindikato ng droga sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ito ang ibinunyag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre makaraan ang security cluster meeting sa Palasyo kamakalawa.
“They could be in conspiracy with these people because there are some information that many in the high position of government received monetary consideration because of the protection or partial treatment to some of these drug lords,” ani Aguirre.
Sinabi ni Aguirre, ang tinalakay nila sa security cluster meeting kaugnay sa organization structure ng drug syndicates ay nagkompirma sa matagal na niyang impormasyon na 75 porsiyento ng transaksiyon sa droga sa buong bansa ay ginagawa sa loob ng NBP.
“Actually, what happened this afternoon, including the charts that was given to us validates what I’ve been saying long time ago that 75 percent of the drug trades all over the country is being cooked or transacted inside the New Bilibid Prison,” sabi ni Aguirre.
Pinag-aaralan aniya ng DoJ ang posibleng paglilipat sa bigtime drug lords sa Bilibid sa Tanay, sa detention cell ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), Cabaloo Island o sa isang isla sa Palawan.
Isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte na si ret. Gen. Marcelo Garbo ay nasa level 5 ng drug triad ng drug syndicates nina drug convicts Peter Co at Herbert Colangco, at triad Visayas Group leader Peter Lim na pinaghahanap ng awtoridad.
Nagbanta si Duterte kay Lim na sa pag-apak niya sa NAIA pa lang ay tiyak na itutumba siya, habang sina Co at Colangco ay huwag magkakamaling pumuga sa NBP kung ayaw nilang mamatay.
ni ROSE NOVENARIO
DRUG TRIAD ALAM NG AQUINO ADMIN — AGUIRRE
KOMBINSIDO ang Duterte administration na hindi malayong alam ng dating matataas na mga opisyal ng dating administrasyon ang operasyon ng drug triad sa New Bilibid Prisons (NBP) at sa ibang panig ng bansa.
Ito ay kasunod ng ulat na 75 porsiyento ng transaksiyon sa ilegal na droga sa buong bansa ay ginagawa at niluluto mismo sa loob ng NBP.
Sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre, nakapagtatakang hindi man lang nalaman o nabalitaan ng mga dating opisyal ang drug transactions sa loob ng pambansang piitan.
Ayon kay Aguirre, kung mapapatunayan sa imbestigasyon na may sabwatan ang mga dating opisyal, mananagot sila.
Inihayag ni Aguirre, may mga impormasyon silang ilan sa mga dating opisyal sa matataas na puwesto ay tumanggap nang malaking halaga dahil sa proteksiyon o pagiging maluwag nila sa drug lords.
Karamihan may dugong Chinese
NARCO-EXECS TUTUKUYIN NEXT WEEK — DUTERTE
TUTUKUYIN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga mayor, gobernador, PNP officials at taga-BJMP, karamihan ay may dugong Chinese, na sangkot sa illegal drug operations sa bansa.
Sinabi ni Pangulong Duterte, ayaw muna niyang tukuyin ang ibang drug personalities dahil mahirap daw makasira ng pangalan kung kulang ang batayan nang pagkakalagay sa matrix ng drug operations.
Una rito, tinukoy ni Duterte sina Wu Tuan alyas Peter Co, Peter Lim alyas Jaguar, at Herbert Colangco bilang pangunahing drug personalities, habang si dating Chief Supt. Marcelo Garbo ay sinasabing isang level 5 associate/coddler ng drug lords partikular kay Lim.
Sina Co at Colangco ay kasalukuyang nakakulong sa New Bilibid Prisons (NBP), habang si Lim ay nakalalabas-masok ng bansa para magpasok ng ilegal na droga.
Nagbabala si Duterte, mamamatay sina Co at Colangco kung tatakas ng kulungan gayondin si Lim kung tatapak ng NAIA.
Makaaasa aniya ang taongbayan na hindi mamayagpag ang drug lords habang siya ang nakaupong pangulo ng bansa.
“Hindi ko maibigay sa inyo. This is the matrix of the diagram of the extent of the operation in the Philippines because I was asking for more (inaudible) and I have to read the documents or the reports or the intelligence gathering from the different branches of government. Hindi ko pa nabasa ayaw kong… This is a mix of Chinese mayors, maraming mayors dito. As you would read later or no later when I release this finally. We will just compress it. But ngayon lang ibinigay sa amin sa briefing and I said: “I am hesitant really to, you know, condemn a person with…” Baka ang tingin ko would not really be sufficient to place his name in this matrix,” ani Duterte.
Palasyo sa narco-generals
PANGALAN NG DRUG LORDS TUKUYIN
HINAMON ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang isinasangkot na inaakusahang “narco generals” at mga maaari pang masangkot sa aktibidad ng ilegal na droga, na pangalanan ang mga kilala nilang drug lord.
Sinabi ni Atty. Panelo, kung nais linisin ang kanilang pangalan ay lumabas at ituro ng mga akusado ang mga drug lord sa bansa.
Muling iginiit ni Atty. Panelo, walang nangyaring ‘trial by publicity’ at walang nalabag na due process nang pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang limang heneral na sinasabing protector ng drug lords dahil bibigyan sila ng pagkakataon para sumailalim sa imbestigasyon at may pagkakataon silang idepensa ang kanilang sarili.
“Kung talagang involved sila, gusto nilang linisin pangalan nila, e ‘di sabihin nila kung sino iyong mga drug lord,” ani Panelo.
Para sa all-out war vs drugs
AMYENDA SA ANTI-WIRE TAPPING LAW HILING NG PNP AIDG
MALAKING bagay para sa PNP-Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) kung maikokonsiderang maamyendahan ang anti-wiretapping law sa gitna ng ‘all out war’ ng Duterte administration laban sa ilegal na droga.
Ayon kay PNP AIDG chief, Senior Supt. Albert Ferto, nalilimitahan ng anti-wiretapping act ang kanilang ‘investigative capability’ laban sa target na kanilang tinutugis.
Sa ngayon, maaaring i-wiretap ang isang kriminal o sindikato ngunit dapat may basbas ng husgado o may kaukulang court order.
Sa kabilang dako, inihayag ni Ferro, may iba pang paraan upang makapag-establish sila nang mga dagdag na ebidensiya laban sa drug suspects para makasuhan o ma-neutralized.