TINUKOY na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang limang heneral na aniya’y sangkot sa pagkalat ng droga sa bansa.
Kabilang sa mga tinukoy ni Duterte sina Gen. Marcelo Garbo, Gen. Vicente Loot, Gen. Bernardo Diaz, Gen. Edgardo Tinio at Dir. Joel Pagdilao, dating hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Inihayag ito ni Pangulong Duterte sa kanyang pagdalo sa pagdiriwang ng ika-69 anibersaryo ng Philippine Air Force (PAF) sa Clark Air Base sa Pampanga.
“I order the relief of police generals involved in drugs,” ayon kay Pangulong Duterte.
Kasabay nito, agad iniutos ni Duterte ang pag-relieve sa puwesto sa nabanggit na mga heneral at inatasan ang Napolcom na imbestigahan ang nasabing mga personalidad.
Iniutos din ng Pangulo sa mga nabanggit na mag-report kay PNP Director General Ronaldo “Bato” dela Rosa.
Una nang binanggit ni Duterte ang pagkakasangkot ng ilang police official sa drug trade ngunit ngayon lamang niya inisa-isa at pinangalanan.
Sinabi ni Duterte, nakahanda siyang itaya ang kanyang pagkatao, pagkapangulo at dignidad sa kanyang ginawang pagbubunyag.
( ROSE NOVENARIO )
35 LGU CHIEFS SA NARCOPOLITICS TUTUKUYIN NA RIN
SUSUNOD na ilalantad ng Duterte administration ang 35 local chief executives na sangkot sa narcopolitics.
Ito ang tinuran ni PNP Chief D/Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa, kasabay ng kanyang pagdalo sa Philippine Air Force (PAF) 69th anniversary sa Clark, Pampanga.
Ayon kay Dela Rosa, panahon na para linisin din ang hanay ng mga lokal na opisyal, kasabay nang pagsibak sa mga pulis at sundalong protektor din ng droga.
Una rito, pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang police officials na dawit sa drug related issues.