INAMIN ng Palasyo ang pakikipag-dialogo sa teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) para sa pagpapalaya ng mga bihag ngunit hindi kasama ang isyu ng ransom.
Inihayag kahapon ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, isang babae na taga-Zamboanga ang naging tulay ng ASG para iparating ang mensahe na nais siyang kausapin ng isang Abu Rami.
“A certain Abu Rami sent word thru someone in Zamboanga that he wanted to talk to me. I was able to talk this morning with the go-between person and told her I was willing to receive his phone call anytime but made it clear that discussing ransom is out of the question. She told me he wanted to take up other matters. I agreed,” ani Dureza.
Sinabi ni Dureza sa sugo ng ASG, ang kanyang pakikipag-ugnayan sa teroristang grupo ay para sagipin ang buhay ng bihag na Norwegian gayondin ang pagpapalaya sa Indonesian hostages.
“I have relayed to them my openness to talk to them in the effort to save the life of the Norwegian.We will try to work for the release of all if possible. But will not entertain talks on ransom,” dagdag ni Dureza.
Nauna nang napaulat na ikinokonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte na hilingin sa Kongreso na payagan siyang magdeklara ng martial law sa ibang bahagi ng Mindanao upang masugpo ang ASG.
Bago naupo si Duterte, pinugutan ng ASG ang dalawang bihag na Canadian national ngunit ang Filipina hostage ay pinalaya at inihatid kay Dureza. ( ROSE NOVENARIO )