BINABALANGKAS na ng Palasyo ang isang administrative order (AO) na inaasahang tutuldok sa media killings sa bansa at isang executive order (EO) na magpapatupad ng Freedom of Information.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar kahapon, ang layunin ng AO ay magtatag ng isang presidential task force para matigil ang extrajudicial killings sa mga miyembro ng media at mapanatag ang loob ng mga mamamahayag.
“At abangan po ninyo dahil meron na po kaming idina-draft ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ito po ay may kinalaman sa presidential task force against media killings at ito po ay itinutulak po natin bilang kalihim po ng Presidential Communications Office. So, isa po iyon at isa rin po sa ginagawa natin para po mapanatag ang loob ng ating mga kasamahan sa media at matigil na po itong pamamaslang, itong extrajudicial killings sa mga miyembro po ng media ay ‘yung presidential task force against media killings,” ani Andanar.
Kamakalawa ay kinondena ng Palasyo ang pananambang kay radio commentator Saturnino “Jan” Estanio at kanyang 12-anyos na anak na lalaki sa Surigao City dahil sa pagbira sa operasyon ng illegal drugs at illegal gambling sa lungsod sa kanyang programa.
Tiniyak ni Andanar, mabibigyan ng hustisya ang nangyari kay Estanio at pinuri ang kanyang adbokasiya na katulad nang ipinaglalaban ng administrasyong Duterte.
Sineguro rin ni Andanar na tinatrabaho na rin ng legal team ng Malacañang ang draft ng EO na lalagdaan ni Pangulong Duterte para sa katuparan ng Freedom of Information bilang bahagi ng kanyang pangakong pag-iral ng transparency sa kanyang gobyerno. (ROSE NOVENARIO)