NGAYONG pormal nang nakaupo bilang pinuno ng bansa si Pres. Rodrigo “Digong” Duterte ay asahan na ang simula ng tunay na pagbabago.
Sa kanyang talumpati na umabot nang 15 minuto sa Malacañang noong Huwebes nagpahayag si Duterte na ang kanyang pangako na wawakasan ang kriminalidad, ilegal na droga at korupsiyon ay isasagawa sa pamamagitan ng lahat ng paraan na maipahihintulot ng batas.
Nakita raw ng Pangulo kung paano pinadugo ng korupsiyon ang pondo ng gobyerno na dapat nakalaan para mapabuti ang antas ng pamumuhay ng mahihirap.
Nakita rin daw niya kung paano sinira ng ilegal na droga ang buhay ng mga tao at winasak ang mga relasyong pampamilya.
Ayon kay Duterte, napagmasdan din niya kung paano ninakaw ng kriminalidad ang pinag-ipunan ng maraming taon ng mga tao mula sa pagsisikap sa trabaho, upang mauwi lang ito sa wala at magbalik sila muli sa simula.
Tingnan muna umano ang lahat mula sa pananaw na ito at saka sabihin na mali siya.
May mga nagsasabi raw na ang kanyang pamamaraan ay kakaiba at halos umabot na sa pagiging ilegal, paliwanag ni Digong, pero kailangan maging matigas at tuloy-tuloy ang laban.
Upang matupad ang pangako niya nang tunay na pagbabago, hiniling ni Duterte sa Kongreso, Commission on Human Rights at ibang mga sektor na payagan ang kanyang administrasyon na tuparin ang mandato ng mga mamamayan.
Batid ng lahat na ibinoto at pinagkatiwalaan si Duterte ng mga mamamayan dahil umaasa sila na tutuparin niya ang pangako na wawalisin ang namamayagpag na krimen, ilegal na droga at korupsiyon na nagpapahirap sa bayan. Paano nga naman niya maisasakatuparan ang kanyang misyon kung hindi siya bibigyan ng kaunting kaluwagan ng naturang mga sektor?
Bilang abogado na dati rin naging piskal ay inamin ni Digong na batid niya ang limitasyon ng kapangyarihan at awtoridad ng Pangulo.
Ayon kay Duterte, dapat daw makinig sa bulong ng publiko, pakiramdaman ang kanilang pulso, ibigay ang kanilang mga pangangailangan at palakasin ang kanilang tiwala sa mga opisyal na kanilang ibinoto.
Ang pagguho umano ng tiwala sa gobyerno ay nagresulta sa pagguho ng tiwala sa mga pinuno ng bansa, pagguho ng kompiyansa sa justice system at pagguho ng pananalig sa kapasidad ng mga lingkod-bayan na mapagbuti ang buhay ng mga mga mamamayan, at gawin itong mas ligtas at malusog.
Inudyukan ni Digong ang mga mamamayan na samahan siya sa kanyang krusada para sa tunay na pagbabago. Pero upang maging permanente at makabuluhan ang pagbabago, mga mare at pare ko, dapat daw magsimula sa mga tao at kalooban nila.
Pakinggan!
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.
BULLS EYE – Ruther Batuigas