NAGKITA nang personal sa kauna-unahang pagkakataon sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa Change of Command ceremony ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo kahapon.
Nilapitan ni Duterte si Robredo sa entablado makaraan ang full military honors, nakangiting nagkamayan at nag-usap nang sandali bago umupo ang Pangulo katabi ni outgoing AFP Chief of Staff Glorioso Miranda.
Nakamasid sa kanilang dalawa si dating Pangulong Fidel Ramos, ang nag-endoso sa kandidatura nina Duterte at Robredo.
“Vice President Leni Robredo, this is the first time I will greet you. I would have preferred to sit beside you pero andyan si Defense Secretary,” bungad ni Duterte sa kanyang talumpati.
Matatandaan, magkahiwalay na nagdaos ng inagurasyon sina Duterte at Robredo. Hindi binigyan ng puwesto ng Pangulo sa gabinete si Robredo dahil ayaw niya na sumama ang loob sa kanya ni Sen. Bongbong Marcos na kanyang kaibigan.
Si Marcos ang naging mahigpit na katunggali ni Robredo sa nakalipas na VP race.
Nangako si Robredo na susuportahan niya ang administrasyong Duterte.
( ROSE NOVENARIO )