Duterte cabinet nagpakitang gilas sa 1st off’l meeting
Rose Novenario
July 1, 2016
News
PORMAL nang nagsimula ang trabaho hindi lamang para kay President Rodrigo Roa Duterte, ngunit maging sa kanyang itinalagang Cabinet secretaries.
Kahapon din ginawa ang kauna-unahang pulong ni Duterte sa 28 miyembro ng kanyang gabinete.
Unang nagbigay ng kanyang ulat kay Duterte ay si National Disaster Risk Reduction and Management Council director Ricardo Jalad.
Ang nasabing pagpupulong ay isinagawa ilang oras pagkatapos manumpa sa panunungkulan si Duterte bilang pangulo ng bansa.
Live itong ipinalabas sa media local TV stations sa bansa.
Bukod kay Jalad, dumalo rin sa pagpupulong sina Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo; Executive Secretary Salvador Medialdea; Cabinet Secretary Leoncio “Jun” Evasco; Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez III; Budget Secretary Benjamin Diokno; Defense Secretary Delfin Lorenzana; Interior Secretary Mike Sueño; Foreign Secretary Perfecto Yasay Jr.; Justice Secretary Vitaliano Aguirre II; at iba pa.
Kita ng PAGCOR ilalaan sa health services — Digong
IPAGAGAMIT ni bagong Pangulong Rodrigo Duterte ang kita ng Pagcor sa health services ng bansa.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa kauna-unahang Cabinet meeting na kanyang ipinatawag makaraan ang inagurasyon.
Sinabi ni Pangulong Duterte, maraming Filipino ang hindi kayang bumili ng gamot lalo kapag umabot na ng libong piso.
Ayon kay Duterte, dahil sa sugal naman galing ang kita ng Pagcor, mas mabuting ilaan na lamang ito sa pangangalaga ng kalusugan ng mahihirap.
Makaaasa aniya ang taongbayan na hindi ito maaabuso at hindi malalagay sa katiwalian ang pondo ng Pagcor.
Online gaming ipinakakansela ng pangulo
IPINAKAKANSELA ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) Chairman Andrea Domingo ang prangkisa ng lahat ng online gambling sa bansa.
Sinabi ni Duterte sa kauna-unahang cabinet meeting kahapon, walang nakukuhang kita ang gobyerno sa online gambling.
Sinabi ni Duterte, wala namang nakukuhang pakinabang ang gobyerno at walang buwis na nakukuha sa mga nagpapatakbo ng online gambling.
Isa ang sugal sa mga nais ni Duterte na matigil sa bansa bukod sa adbokasiya na maalis ang korupsiyon, kriminalidad at sugpuin ang ilegal na droga.
Magkakaroon aniya ng hotline ang gobyerno para maging sumbungan ng bayan laban sa mga kawani ng gobyerno na hindi ginagawa ang kanilang trabaho.