15-point People’s Agenda tinanggap ni Duterte mula sa leftist group
Rose Novenario
July 1, 2016
News
MAY espesyal na puwang talaga sa puso ni President Rodrigo Duterte ang makakaliwang grupo dahil mas una pa siyang nakipagpulong sa mga lider nito para tanggapin ang 15-point people’s agenda bago ang mga miyembro ng kanyang gabinete.
Kung dati’y itinataboy ng awtoridad ang rally ng mga militanteng grupo sa Mendiola, kahapon ay sinundo pa mismo ng mga kagawad ng Presidential Security Group (PSG) ang mga lider nito para iharap kay Duterte.
Kabilang sa mga nakipagpulong kay Duterte sa Osmeña Hall sa Palasyo si Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes, dalawang oras makaraan manumpa ang ika-16 Pangulo ng bansa.
Absuwelto rin ang leftists kahapon sa ipinatutupad na dress code sa Palasyo dahil kahit naka-maong at rubber shoes ay pinapasok sila sa Malacañan, maging ang isang katutubo na nakasuot ng Igorot attire.
Tumagal nang halos isang oras ang pulong ni Duterte sa mga militanteng maka-kaliwa, na nagsimula dakong 2:30 p.m.
Sinabi ng Bayan Secretary general, ibinigay nila kay Duterte ang kopya ng 15-point People’s Agenda .
Tiniyak aniya ni Duterte sa kanila na tutol pa rin siya sa contractualization, destructive mining at pabor sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.
Nais aniya ni Duterte na iparepaso ang mga umiiral na batas hinggil sa ancestral lands.
Tinalakay sa pulong ang posibleng pagpapalaya sa National Democratic Front (NDF) consultants at iba pang political detainees.
Suportado ni Duterte ang pagtaas ng health budget at iginagalang ang freedom of expression.
Sinabi ni Duterte sa kanila na puwede silang makalapit sa Batasang Pambansa sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).
Kabilang sa mga kasama ni Reyes sa pulong ay sina Labor Undersecretary Joel Maglunsod, Anakpawis Rep. Ariel Casilao, Kabataan Rep. Sarah Elago, dating Gabriela congresswoman Liza Maza, Kilusang Mayo Uno chairman Elmer “Bong” Labog, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas secretary general Antonio Flores at Karapatan secretary general Cristina Palabay.