HINIHINALANG mismong ang 48-anyos ginang na anak ng 74-anyos matandang babaeng natagpuang tadtad ng saksak, ang salarin sa insidente sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Natagpuang wala nang buhay ang biktimang si Teresita Oliquino, 74, residente ng 22 Pineapple St., Brgy. Potrero ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon nina PO3 Roger Gonzales at PO2 Roldan Angeles, dakong 9 p.m. nang matagpuan ng kanyang anak na si Emma Oliquino, 48, ang biktimang wala nang buhay sa loob ng kanyang kuwarto sa ikatlong palapag ng bahay.
Bago natagpuan ang bangkay ng biktima dakong 4:40 pm, kainoman ni Emma ang mga kaibigang sina Rowena Ilisan at Gracila Camasis sa ibaba ng kanilang bahay dahil ipinagdiwang ang piyesta sa kanilang lugar.
Dakong 8:40 pm nang umalis ang mga bisita na inihatid pa ni Emma sa gate ng kanilang bahay.
Sa isinagawang occular investigation ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), walang nakitang palatandaan na puwersahang pinasok ang kuwarto ang biktima at hindi rin nagalaw ang mga ari-arian at ang mahalagang mga gamit.
Habang nagsasagawa ng imbestigasyon, napansin ni Senior Insp. Paul Dennis Javier na may mga mantsa ng dugo at galos sa braso ni Emma ngunit sinabing niyakap niya ang kanyang ina nang makitang duguan at wala nang buhay.
Nang subukang i-review ang close circuit television (CCTV) camera na nakakabit sa loob ng kuwarto ng biktima, natuklasang napakialaman na ito ni Emma.
Dahil dito, itinuturing ng pulisya si Emma bilang “person of interest” sa naganap na krimen.