Mga pusher, user nangangatog sa takot
Ruther D. Batuigas
June 25, 2016
Opinion
HINDI maitatanggi na nangangatog na sa sobrang takot ang mga damuhong pusher at user ng ipinagbabawal na droga sa Metro Manila at mga lalawigan.
Ito ay bunga ng pinaigting na operations ng Philippine National Police (PNP) laban sa ilegal na droga. Umabot na sa 29 suspek ang napaslang sa loob lamang ng 36 araw mula
Mayo 10 hanggang Hunyo 15.
Sa kabuuan ay 68 ang napatay sa taong kasalukuyan mula Enero 1 hanggang Hunyo 15.
Pinakamaraming suspek ang napaslang sa Central Luzon. Kasunod ang Davao Region, Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, General Santos City), Central Visayas, at Metro Manila.
Itinanggi ni PNP spokesman Chief Supt. Wilben Mayor na ang pinaigting nilang operasyon laban sa droga ay para magpapogi lang sa susunod na administrasyon ni Pres. Rodrigo Duterte na hayagan ang galit sa bawal na droga. Mandato raw ng pulisya na arestohin ang mga pusher, user at drug lords. Nagpapatupad lang sila ng batas at wala raw masama rito.
Kung hindi natatakot ang mga hinayupak na sangkot sa bawal na droga, bakit umabot sa mahigit 300 suspek sa paggamit ng shabu ang sumuko sa Quezon City Police District (QCPD)?
Ang mga sumuko ay mula raw sa iba’t ibang barangay na nasasakop ng 12 police stations ng lungsod. Ang mga opisyal ng naturang mga barangay ay gustong makipagtulungan sa pulisya upang masugpo ang pamamayagpag ng bawal na droga sa kanilang lugar.
Ang naganap na pagsuko ay bahagi rin ng “Oplan Katok Pakiusap” na nakikipag-ugnayan ang mga pulis sa mga opisyal ng barangay, upang ipaliwanag sa mga residente ang masamang epekto na idinudulot ng paggamit ng ilegal na droga.
Sa ganitong paraan ay mapakikiusapan nila ang mga gumagamit ng ilegal na droga na tigilan na ang kanilang bisyo.
Tulad nang ilang ulit na nating ipinunto sa kolum na ito, ang mga opisyal ng barangay ang nakaaalam kung sino sa kanilang mga kabarangay ang gumagamit o nagbebenta ng bawal na droga.
Puwedeng-puwede nilang kausapin ang mga damuho upang tigilan na ang droga.
Ang mga sumuko ay tatratohin bilang biktima at ipapasa sa kaukulang mga center para sa rehabilitasyon, counselling, alternative learning at livelihood. Pero kailangan ay aminin muna nila na sila ay user ng droga at sabihin kung kanino nila kinukuha ang ilegal na droga.
Sa Maynila ay sunod-sunod din ang nahuhuling tulak at gumagamit ng bawal droga sa pinaigting na police operations ni Manila Police District Director Chief Supt. Rolando Nana.
Sadyang kapuri-puri ang pinatinding laban ng PNP sa droga. Kailangan talagang mapuksa ang mga nagpapakalat ng salot na iyan sa ating lipunan. Pero dapat madale rin ang mga damuhong drug lord sa bansa, mga mare at pare ko, dahil sa kanila nagmumula ang pagpapakalat ng shabu at ibang ipinagbabawal na droga na sumisira sa buhay ng nalululong sa bisyong ito.
Tandaan!
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.