NILINAW ni direk Malu Sevilla na hindi na sila hand-to-mouth mag-taping ng FPJ’s Ang Probinsyano kasama nina direkToto Natividad at Avel Sunpongco dahil aware sila sa mga nangyari kina direk Wenn Deramas at Francis Pasion.
Nakatsikahan namin ni Ateng Maricris si direk Malu noong Martes ng gabi bago umakyat sa 14th floor para sa grand presscon ng Born For You nina Elmo Magalona at Janella Salvador.
Kaagad naming inusisa kung hand-to-mouth pa rin ang tapings nila ng Ang Probinsyano dahil sumasabay ang umeere nilang episodes sa mga kaguluhang nangyayari ngayon tulad sa katatapos na Orlando massacre namatay ang 50 katao at 53 naman ang sugatan dahil nagwala ang isang taong galit sa mga bakla.
Sakto dahil ang episode noong Lunes sa Ang Probinsyano ay tungkol sa pagiging bakla ni McNeal Mac Mac Briguela na umamin na kina Ms Susan Roces, Coco Martin at sa ikalawang magulang nito sa istorya.
Unang sinagot ni direk Malu ay ang tungkol sa taping schedules nila, “hindi na, matagal ng hindi, we practice na by 12 midnight ay pack-up na kaming lahat, the most is 2:00 a.m. para naman may pahinga ang lahat.
“Minsan nga, 11:00 p.m. tapos na kami, depende lang sa mga crucial na eksena especiall sa action ‘yun, eh. Sa Dreamscape, we practice na maaga na kaming matatapos,” mabilis na pahayag ni direk Malu.
At sa natatapat na episodes nila sa malalaking isyu ngayon, “actually, kinilabutan nga kami, kasi nasasabay, hindi namin expected na sasakto ‘yung topic ni Mac Mac sa nangyari sa Orlando, sabi nga namin, ‘ano ‘to?’
“Kasi kung matatandaan n’yo, ‘yung nangyari naman sa Close-Up na may limang namatay dahil sa drugs na inilagay yata sa inumin nila, nasabay din doon sa episode namin na about drugs.
“Actually, ‘yang drugs, mahabang usapin ‘yan, magtatagal pa ‘yan sa amin (eksena), kita mo ‘yung umeere ngayon, sina Angelica (Panganiban) at Nikki ( Valdez) na sangkot sa droga ‘di ba?
“Bago kami mag-shoot, humihingi kami sa PNP (Philippine National Police) kung ano ang malaking balita nila at iyon ang ginagawa namin. Lahat ‘yan nire-research namin bago namin i-shoot.
“Pag-uusapan muna namin, itatayo namin ang istorya kaya nasasakto, kami rin, nagugulat na tuma-timing talaga.”
Pero hindi naman itinanggi ni direk Malu na, “we tape six days a week, so araw-araw talaga, pero maaga kami napa-pack up. Sunday lang pahinga. Oo naman, kung wala na kaming day-off paano na lang (lovelife),” natawang sabi sa amin.
Wala namang idea si direk Malu kung hanggang kailan ang FPJ’s Ang Probinsyano dahil ang management lang daw ang magsasabi sa kanila kung hanggang kailan at habang wala namang sinasabi ay tuloy-tuloy pa rin sila sa shoot nila.
Sobrang thankful naman si direk Malu sa malaking suporta ng lahat sa serye dahil nga nananatiling number one ito sa primetime.
“Oo nga, nakakataba ng puso kapag nakaririnig kami ng ganyan, ‘yung binabati kami. Nasusulit ‘yung pagod at puyat naming lahat. Hindi naman kasi biro rin ang tapings namin, alam mo naman si Coco, mahilig sa mga lugar na matao at masikip.
“Ano ‘yan si Coco, eh, pang Sampaloc, ha, ha, ha, hindi ‘yan pang-Ayala, Alabang,” tumatawang sabi ni direk Malu.
Marami pa raw magiging guests ang Ang Probinsyano pero ang hindi raw malilimutan ni direk Malu ay si Anne Curtis na inabot ng dalawang buwan sa serye.
“Akala ko nga mainstay na siya (Anne), eh. Kasi ang tagal na niya, tuwang-tuwa kami sa kanya kasi siya ‘yung buhay ng show, tawa ng tawa, tulog na kaming lahat, pati si Coco tulog na, si Anne kuwento pa ng kuwento, ayaw niya patulugin si Coco, kaya naloloka sa kanya si Coco. Masarap katrabaho si Anne, walang dull moment,” masayang kuwento ng direktor.
Biniro nga namin na baka naman maraming nakaing tsokolate si Anne, “hindi naman, ganoon yata talaga siya, buhay sa gabi, parang walang kapaguran,” katwiran pa.
Sa madaling sabi, tig-two weeks ang mga guesting ng artista sa Ang Probinsyano, ” depende sa istorya, si Anne two weeks, sina Victor Neri, hindi inabot yata.
“Tuwang-tuwa naman ako kay Victor kasi unang eksena pa lang, sabi niya asaan na si Coco? Magsusuntukan na ba kami? Sabi ko, ‘wait lang, ini-establish ko pa lang character mo as Mayor, so at saka na ‘yung suntukan.’ Talagang action star ang dating niya,” masayang sabi pa ni direk Malu.
At tungkol naman sa regular cast ng Ang Probinsyano ay walang itulak kaibigin si direk Malu dahil lahat daw ay magkakasundo as in grupo talaga, walang inggitan, walang samaan ng loob, lahat ay masasaya at kanya-kanyang dala ng pagkain kaya lahat daw sila ay nagtatabaan sa set.
“Lalo na si tita Susan, mahilig magdala ng food, ang sarap, tapos si Coco rin, ang sarap magluto kaya heto, (sabay pakita), malaki tiyan kasi puro kanin ‘to kasi hindi naman ako umiinom,” masayang kuwento pa ni direk Malu.
FACT SHEET – Reggee Bonoan