Canadian pinugutan ng ASG?
Rose Novenario
June 14, 2016
News
HINIHINTAY pa ng Malacañang ang report ng AFP kaugnay sa napabalitang pagpugot ng Abu Sayyaf sa isang Canadian national na hawak nilang bihag.
Una rito, hindi natinag ang Malacaòang sa itinakdang deadline ng mga terorista para sa tatlong bihag na dinukot nila sa Samal Island.
Dakong 3 p.m. kahapon, nagpaso na ang deadline ng ASG sa gobyerno para ibigay ang hinihinging ransom kung hindi ay pupugutan ng ulo ang isa sa tatlong bihag.
No Ransom Policy tinindigan ng PNoy Admin
HINDI natinag ang paninindigan ng administrasyong Aquino sa ‘no ransom policy’ bagama’t nagbanta ang teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) na pupugutan ang tatlong bihag kapag hindi nagbayad ng P300 milyon ransom kada isa.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., patuloy ang military at police operations upang mailigtas ang tatlong bihag ng ASG na dinukot sa Samal island, Davao del Norte noong Setyembre 21, 2015.
Itinakda ng ASG ang deadline para magbayad ng ransom kahapon.
“Government has not wavered in its determination to deal with the kidnap-for-ransom problem. Our focused military and law enforcement operations continue with the objective of rescuing the hostages and holding their captors accountable for all their crimes,” paliwanag ni Coloma.
Nagbanta ang ASG na ang tatlong bihag na dinukot nila sa Samal island na si Canadian Robert Hall, girlfriend niyang Filipina na si Marits Flor, at Norwegian na si Kjartan Sekkingstand ay kanilang pupugutan ng ulo kapag hindi nagbayad ang gobyerno ng ransom na kanilang hinihingi.
Naunang pinugutan ng ASG ang bihag nilang si John Ridsdel noong April 25 nang mabigong magbayad ng P300 milyon ransom ang kanyang pamilya para sa kanyang kalayaan.
Umapela na ang nasabing mga bihag sa pamamagitan ng video kay President-elect Rodrigo Duterte na sila ay tulungan.