Friday , November 15 2024

Digong, Bato target ng drug lords (P50-M patong sa ulo ng dalawa)

KINOMPIRMA ni incoming PNP chief, Chief Supt. Ronald Dela Rosa, tinaasan pa umano ang alok para sila ay i-liquidate kasama si President-elect Rodrigo Duterte.

Ayon kay Dela Rosa, mula sa P10 milyon na bounty, itinaas pa sa P50 milyon ang alok ng mga drug lord sa kung sino mang makapapatay sa kanilang dalawa.

Sinabi ni Dela Rosa, walang kumagat sa unang alok ng mga drug lord na P10 milyon kaya itinaas nila ang reward sa P50 milyon.

Nalaman ito ni Dela Rosa dahil nagre-report umano sa kanya ang isa sa mga ka-meeting ng mga drug lord sa loob ng New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.

“As of yesterday, they increased the bounty to P50 million. P50 million for Mayor Duterte, P50 million for me. Ini-increase nila dahil nahirapan daw silang maghanap ng takers. No takers sa P10 million, so ini-increase nila to P50 million,” pahayag ni Dela Rosa.

Kamakalawa lang aniya, ang pinakabagong meeting ng mga drug lord at pinaplano kung paano sila itutumba ni Duterte.

Pagbibigay-diin ni Dela Rosa, hindi siya natatakot sa mga banta ng mga drug lord.

Pahayag niya, kapag siya na ang naupo bilang PNP chief, giyera na ang idedelara niya laban sa mga drug lord sa bansa, maging sa mga nasa loob ng Bilibid.

Dagdag ni Dela Rosa, kailangan nang mailabas sa Bilibid ang mga drug lord at dapat pahiga silang ilalabas.

Una rito, nag-anunsiyo si Duterte na mag-aalok siya ng P5 milyon sa bawat drug lord na mapapatay bilang bahagi ng kanyang pinaigting na kampanya laban sa illegal drugs.

P5.5-M patong sa ulo ng drug lord sa Cebu — Duterte

LIMA’T kalahating milyong piso ang pabuya sa sino mang makapapatay ng mga drug lord sa Cebu.

Inihayag ito ni President-elect Duterte sa kanyang pagdalo sa thanksgiving party na inorganisa ng kanyang Presidential Assistant for Visayas na si Mike Dino sa Cebu Country Club sa Cebu City kamakalawa ng gabi.

“Ang sa Cebu kay buotan man ang mga tao diri. May premium P5,500,000,” wika pa ni outgoing Davao City Mayor Duterte sa  300 katao na dumalo sa thanksgiving party.

Sinabi ni President-elect Duterte, ang kanyang apela at request sa druglords ay tumigil na sila para walang gulo.

“I plead for you to stop fucking this country and we will be alright. Wala tayong problema,” dagdag ni Duterte sa kanyang 40-minutong mensahe kamakalawa ng gabi.

Ibinunyag ng susunod na pangulo ng bansa, may alam siyang mga kaso na ang mga pulis na sangkot sa anti-drug operations ay hindi idinideklara ang actual volume ng droga na kanilang nakompiska.

Idinagdag ni Duterte, dapat itigil na ng mga pulis ang kanilang masamang gawain bago pa man siya umupo sa Malacañang.

“I do not want to go to the extreme but I am asking for the reversal of these things. If I cannot get it the right way, then, I will do it the wrong way because I have a sworn duty to protect the Republic,” giit ni Duterte sa mga Cebuano kamakalawa ng gabi.

Nagbabala rin siya sa New Bilibid Prison at sa lahat ng jail personnel sa bansa na itigil ang drug smuggling sa loob ng kulungan at huwag na nilang hintayin na siya pa ang gumawa ng aksiyon laban sa kanila.

Samantala, humingi ng paumanhin ang president-elect sa mga Cebuano na hindi nakapasok sa venue ng Cebu Country Club dahil sa mahigpit na seguridad na ipinatupad ng Presidential Security Group (PSG).

Bagama’t may PSG sa kanyang paligid ay lumapit pa rin ang alkalde sa mga tao sa labas ng venue upang sila ay kamayan at magpasalamat sa ibinigay na pagtitiwala sa kanya ng mga Cebuano sa nakaraang May 9 elections.

Ito ang unang pagkakataon na nakalabas ng Davao City si Duterte makaraan ideklara ng national board of canvassers na siya ang nanalong presidente sa nakaraang May 9 elections.

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *