Bumitaw ang SMC pasok ang Smart at Globe
Jerry Yap
June 7, 2016
Bulabugin
Nakarating na ang balita kay President-elect Rody Duterte tungkol sa plano ng Globe Telecom at Smart Communications na pabilisin at palawakin pa ang internet connection service na inihahatid nila sa kanilang subscribers gamit ang 700 megahertz frequency. Ayon kay Pangulong Digong, bibigyan niya ng tsansa ang mga telecom companies na patunayang kaya nga nilang mapaganda ang kanilang mga serbisyo. Tinanong ang incoming President kung naniniwala nga siyang ang napipintong paggamit ng 700 megahertz band ng PLDT/Smart at Globet ay makapagpapabilis ng internet service natin. Ang sagot niya: “sabi ng mga engineer, yes.” Tama ang mga kinonsultang engineer ni Pangulong Digong dahil ang 700 mhz frequency ang matagal nang kailangan ng mga telcos para makapaghatid nang mas mabilis na internet service sa mas murang halaga at mas malawak na coverage. Sa ganitong frequency kasi, posible ang internet speeds mula 50 hanggang 100 mbps sa mas abot-kayang halaga, kompara sa 3G speeds na ang pinakamabilis ngayon ay hanggang 21 mbps lang. Mas malawak rin ang sakop ng 700 mhz spectrum kaya’t hindi na kailangang magtayo ng maraming cell sites. Nakuha ng Globe at PLDT/Smart ang 700 mhz frequency na dating hawak ng San Miguel Corp. Pumirma sila ng kasunduang paghatian ang telco assets ng SMC at bayaran sa halagang P70 bilyon. May kapangyarihan ang National Telecommunications Commission (NTC) na ipawalambisa ang kanilang kasunduan at bawiin ang nakuha nilang 700 mhz spectrum mula sa SMC kahit ba nabayaran na nila ito, kaya mapupuwersang tumupad ang Globe, Smart at PLDT sa kondisyong mapabilis ang internet service sa bansa bago matapos ang taon. Pero walang kapangyarihan ang NTC na busisiin ang kasunduan dahil ang sakop lang nito ay mga kontratang patungkol sa change of ownership. May tangka ang bagong tatag na Philippine Competition Commission na repasohin ang kasunduan pero wala rin awtoridad dahil nang nagkapirmahan ang Globe, Smart at SMC, gumagawa pa lamang ng impl ementing rules and regulations (IRR) ang PCC. Kabubuo pa lang ng PCC sa bisa ng Republic Act 10667 na naging batas noong Agosto lamang. Nang hawak pa ng SMC ang 700 mhz spectrum, ang plano nito ay makipag-partner sa Telstra ng Australia para kompetensiyahin ang Smart at Globe. Nang hindi natuloy ang plano, nagpasya ang SMC na bitawan na ang hawak na frequencies nang sa gayon ay mas mapakinabangan ng telcos na may nakahandang mga pasilidad para rito. Sino man ang tanungin, ito na ang pinakamabilis at pinakamatipid na paraan para mapaganda ang inihahatid na serbisyo ng telcos sa 44 milyong internet users sa bansa.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com