Wala bang itutumbang jueteng lord sa Duterte administration!?
Jerry Yap
June 3, 2016
Bulabugin
‘YAN po ang tanungan na umuugong ngayon, matapos patayin ng riding-in-tandem si Alex Balcoba, isang reporter na nagkokober sa Manila Police District at mayroong puwesto ng Watch Repair sa Quiapo, Maynila.
Kalilibing pa lang ni Alex ay niratrat naman ang bahay ng isa pang tabloid reporter na si Gaynor Bonilla sa Makati City.
Pero bago pa ratratin ang bahay ni Bonilla, mainit nang pinag-uusapan sa iba’t ibang coffee shop at social media ang pahayag ni President-elect Rodrigo ‘Digong’ Duterte na kaya umano napapa-tay ang mga journalist ay dahil corrupt at bias.
Sabi nga ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang pahayag ni Mayor Digong ay tila hudyat ng ‘open season’ sa media killings.
Hindi puwedeng ikaila na maraming corrupt sa hanay ng mga mamamahayag, pero hindi ito lisensiya para maging target ng hired killers at pagkatapos ay da-justify na ‘corrupt’ kasi.
At ang korupsiyon ay hindi lang namumunini sa hanay ng mga mamamahayag.
Marami sa gobyerno, sa military, sa pulisya, at sa iba pang ahensiya ng gobyerno.
‘Yang mga corrupt ba na ‘yan ay puwedeng itumba na lang basta?
E paano pa ‘yung mga jueteng lord at mga operator ng ilegal na sugal, sila ba ay puwede na rin itumba gaya ng mga drug lord?
Kung magiging batayan ng patayan ang pagiging tiwali ng mga opisyal sa gobyerno, mapaminsalang aktibidad ng mga ilegalista gaya ng drug lords, gambling lords, extortionists, smugglers at iba pang salot sa lipunan, tiyak araw-araw, maraming mapapaslang.
At tiyak na mamumunini ang negosyo ng punerarya at memorial park sa bansa.
Kung desidido ang gobyernong ito sa ganyang sistema, bakit hindi rin sampolan ang mga jueteng lords?!
‘Yang mga front ay STL pero sa jueteng pasok ang kobransa at hindi sa PCSO.
Wala kasi tayong naririnig, sino man sa mga bagong itinalaga ni Duterte na nagalit sila sa 1602 operators.
Huwag sanang mga mamamahayag ang pag-initan ninyo, unahin ninyo ang mga tunay na salot sa lipunan na baka hindi ninyo namamalayan ay unti-unti nang ‘pinapasok’ ang inyong hanay.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com