Mag-ingat sa pagpasok ng komunista
Ruther D. Batuigas
May 21, 2016
Opinion
DAPAT mag-ingat ang gobyerno sa pagpasok ng mga rebeldeng komunista bilang bahagi ng Gabinete ng bagong mauupong Pres. Rodrigo Duterte.
Tiyak na batid ni Duterte na may problemang hatid ang pagtatrabaho ng mga kawani ng gobyerno na kasama ang mga komunista kaya dapat pag-aralan ito nang husto.
Sa tingin ng iba, dapat talaga siyang maghunos-dili sa gagawing pagtatalaga sa mga opisyal ng Communist Party of the Philippines (CPP) para pamunuan ang Dept. of Labor and Employment (DOLE), Dept. of Agrarian Reform (DAR), Dept. of Social Welfare and
Development (DSWD) at Dept. of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa totoo lang, mga mare at pare ko, posibleng may panganib itong dulot lalo sa seguridad na hindi dapat balewalain o kaligtaan.
Nauunawaan natin na bahagi ng laging pagtatalak ng mga komunista ang pakikipaglaban umano nila para sa karapatan ng kawawang mga manggagawa, magsasaka at mahihirap. Matinding hamon ang pagbibigay ni Digong ng pagkakataon sa kanila na maging bahagi ng gobyerno.
Pero ang tanong ay may magagawa ba sila para mataasan ang suweldo na noon pa hinihiling ng mga manggagawa? Maisasaayos ba nila ang mga problema ng mga magsasaka sa lupa na kanilang sinasaka? Mabibigyan ba nila ng trabaho o kabuhayan ang mga mamamayan, lalo ang mga maralita na isang kahig, isang tuka sa buhay?
Malaking kapakinabangan kung may magagawa sila para mapabuti ang kalagayan ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Gano’n pa man, nariyan pa rin ang tanong na umiinog sa isipan ng maraming taong-gobyerno. Mapagkakatiwalaan kaya ang mga komunista na ilang dekadang naging kaaway na mortal ng gobyerno?
May nagtatanong, paano raw kung may plano pala sila para isabotahe ang gobyerno at palihim itong isakatuparan upang mapahina ang pundasyon at mapadali ang gagawin nilang pagsakop, na noon pa nila binabalak?
Marami rin ang nag-aala sa balak ni Duterte na palayain ang mga political prisoner. Hindi raw dapat magpadalos-dalos si Digong sa bagay na ito. Sa halip na makipagkaisa sa gobyerno ay baka lumikha pa raw ng pagkakagulo at pagkakawatak-watak ang mga damuho kapag lumaya.
Manmanan!
***
SUMBONG: “Sir, madalas po may bentahan ng shabu at pot session sa mga puwesto dito sa loob ng Galas Market sa Union Civica St., malapit sa corner ng Luzon Ave., Galas, Quezon City. Alyas Rey Bulag, Mando, Boy Komang, Boy Muslim, Dudoy Bisaya. Sila po may hawak ng shabu dito sa palengke.”
Bantayan!!!
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.