INIHATID na sa huling hantungan ang manunulat na si Kuya Cesar Pambid sa Candaba Public Cemetery.
Sa huling lamay ni Kuya Cesar ay pumunta kami kasama sina Sandy Es Mariano, Fernan de Guzman, at Rommel Placente. Dala-dala nina Tito Sandy at Rommel ang tulong pinansiyal mula sa mga kaibigang artista ni Kuya Cesar kagaya nina Malou Chua Fagar ng Eat Bulaga, Cong. Dan Fernandez, at iba pa.
Si Kuya ay naging editor noon ng Daily Libangan, isang all-entertainment tabloid ng Alitaptap Publishing turned Dove Publication turned Pigeon Publishing na pag-aari ng mga Banag. Si Kuya Cesar ang nagbigay sa akin ng daan para makapagsulat sa tabloid dahil nagsimula ako as magazine writer sa GASI Publication.
Si Kuya Cesar din ang kauna-unahang showbiz editor ng pahayagang ito (Hataw).
Animnapu’t apat na taong gulang nang binawian ng buhay si Kuya Cesar. Nagkaroon siya ng diabetes at kung ano-ano ng sakit ang dumapo sa kanya dala ng komplikasyon. Sa loob ng ilang taon ay nagda-dialysis siya.
Humanga ako kay Kuya Cesar sa katatagan ng kanyang katawan dahil kahit may sakit, aktibo pa rin siyang miyembro ng Philippine Movie Press Club at dumadalo tuwing may Star Awards ang PMPC kesehodang ito ay ginaganap sa Resorts World at uuwi pa siya ng Paralaya, Candaba, Pampanga.
Dahil sa komplikasyon, binawian siya ng buhay. Sa kanyang burol, kitang-kita ang kalungkutan ng kanyang mga kapatid, pamangkin, at apo sa tuhod. Mabait na kapatid, tito, at lolo si Kuya Cesar. Mahilig siyang magluto at hindi puwede sa kanya ‘yung kakain na bitin, palaging masasarap ang ulam kapag kumakain sila kasama ang kanyang mga kaanak. Siya mismo ang nagluluto.
Bukod sa pagiging columnist at editor, aktibo rin si Kuya Cesar sa pagiging show promoter. Siya ang kumukuha ng mga artista para mag-show sa mga bayan-bayan sa Pampanga at karatig lalawigan.
Nang magkaroon siya ng karamdaman, binago ni Cesar ang kanyang pen name at ginawang Zest Pambid.
Paalam Kuya Cesar.
MAKATAS – Timmy Basil