NASUNGKIT ng kabayong si Radio Active na sinakyan ni John Alvin Guce ang unang leg ng 2016 PHILRACOM “Triple Crown Stakes Race” sa pista ng Sta. Ana Park.
Sa largahan ay isa sina Alvin na nasabay sa magandang alisan, kaya naman nakasunod agad siya sa nagdikta ng harapan na si Dewey Boulevard. Pagdating ng medya milya ay sinimulan ni Alvin na galawan ang kanyang sakay at walang anuman na kumamot ng husto si Radio Active hanggang sa makuha ang bandera bago dumating sa huling kurbada.
Pagsungaw sa rektahan ay lalo pang nagalit si Radio Active at lumayo ng may walong agwat hanggang sa makarating sa meta. Naorasan siya ng 1:41.0 (26-24’-23’-27) para sa 1,600 meters na distansiya.
Malayong nagwagi ang kabayong si Guatemala na nirendahan ni Kelvin Abobo sa 2016 PHILRACOM “Hopeful Stakes Race” at gumawa ng tiyempong 1:43.6 (26’-24’-25-27’) sa 1,600 meters na laban. Samantala sa idinaos na 2016 PHILRACOM “3YO Locally Bred Stakes Race” ay napanalunan naman iyan ng deremateng kabayo ni Ginoong Wilbert Tan na si Mount Iglit na pinatnubayan ni Dan Camañero at tumapos ng 1:46.2 (26’-24’-25’-30) sa 1,600 meters din na distansiya.
REKTA – Fred Magno