4 Cabinet posts inialok ni Digong sa CPP-NPA
Rose Novenario
May 17, 2016
News
IBINUNYAG ni president-elect Rodrigo Duterte, inalok niya ang cabinet positions para sa DAR, DENR, DOLE, at DSWD sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa press conference sa Davao City, kasabay nang kanyang pag-anunsiyo sa ilang cabinet members na magiging bahagi ng kanyang administrasyon.
Ayon sa incoming president, ang kondisyon niya sa grupo ng mga komunista ay dapat karapat-dapat ang humawak sa posisyon lalo na ang educational attainment.
“Ang ibibigay ko sa Communist Party of the Philippines, if they decide to join the government, ‘yung DAR, DENR… Labor is the one, sabi nila pinaka-oppressed ‘yan, so they are the most vigilant group in the Philippines about labor,” pahayag ni Duterte.
“So they will get it [DOLE] and DSWD, at marami pang iba. But those are the only departments I can concede to them, that four. Maganda na ‘yan,” dagdag ni Duterte.
Muling inulit ng alkalde na nag-alok siya sa grupo ni Jose Maria Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP), na magkaroon ng usapang pangkapayaan at umanib sa gobyerno.
Si Joma Sison ay dating propesor ni Duterte.
Ayon sa alkalde, kung tutuusin ay walang nagaganap na giyera sa pagitan ng dalawang grupo.
Si Sison, naging Social Science at English professor, ang nagtatag ng CPP noong Disyembre 26, 1968.
Ang CPP ay political party ng communist group sa Filipinas habang ang New People’s Army ang military wing.
Unang tinaya ng mga awtoridad na ang NPA ay mayroon na lamang 4,000 miyembro mula sa peak nito na umaabot sa 25,000 noong taon 1987.
Samantala, kabilang sa mga nais ni Duterte na bumuo sa kanyang gabinete ay sina Atty. Salvador Medialdea bilang executive secretary, habang ang magiging education secretary ay si Peter Laurel.
Tatayong Presidential peace adviser si Jesus Dureza at si dating 1-BAP Party-list Rep. Silvestre Bello Jr., para sa CPP-NPA.
Pinakiusapan ni Duterte ang kanyang San Beda law classmate na si Perfecto Yasay Jr., na maging acting Foreign Affairs secretary, gayondin si Carlos Dominguez bilang finance department chief, at Arthur Tugade bilang secretary ng Department of Transportation and Communications (DOTC).
Kakausapin ni Duterte si dating Defense secretary Gilbert Teodoro upang sumama sa kanyang Gabinete habang si Atty. Salvador Panelo bilang press secretary.