ANG pagbubukas at blessing ng opisina ng BG Productions ng businesswoman na si Ms. Baby Go sa Lee Gardens Condominium Shaw Boulevard, Mandaluyong, ay hudyat na patuloy siya sa paggawa ng maraming pelikula. Kabilang sa nakiisa rito sina Allen Dizon, Aiko Melendez, Polo Ravales, Sancho delas Alas, ang mga director na sina Louie Ignacio, Joel Lamangan, Neal Tan, Mel Chionglo, Rod Santiago, Jason Paul Laxamana, pati na sina Erika Yu, Therese Malvar, Rajah Montero, iba pa. Nandoon din ang ilang personalidad mula sa NBI at Philippine Chinese Chambers of Commerce, Mandaluyong Chapter.
“Simple lang ang opisina ko pero maganda ang location, malapit siya sa lahat. Bukod sa production office, iyong ibang negosyo natin gaya ng BG Beauty soap at painting gallery, dito ang sentro. Ako mismo ang nag-interior nito, hands-on ako talaga. Eto na ang pinaka-bahay ng aking mga staff at ang mga direktor ko may kanya-kanyang table kapag bumibisita rito,” kuwento ni Ms. Baby.
Nagsimula ang pagpoprodyus ng BG Productions noong 2013 sa katuwaan na isama sa eksena ang apo ni Ms. Baby sa pelikulang Lihis ni Direk Joel. Kapwa kliyente ng parehong banko si Ms. Baby at Direk Joel at ang ‘middleman’ ay si Mr. Romeo Lindain. Agad-agad, natuloy ang pagsasapelikula na gumanap na baby ni Lovi Poe ang apo ni Ms. Baby and the rest is history, ‘ika nga.
Sa kasalukuyan, ang BG Productions ay nakatapos na ng sampung pelikula. Ito’y ang Lihis, Lauriana, Bigkis, Homeless, Child Haus, Iadya Mo kami, Sekyu, Laut, Tupang Ligaw, at Siphayo. Nag-umpisa na ng shooting ang Area na pagbibidahan ni Ai Ai Delas Alas at Allen, mula sa direksyon ni Louie Ignacio at ang Balatkayo na nag-shooting sa Singapore, Dubai, at Abu Dhabi mula sa direksyon ni Neal Tan. Sa darating na buwan ay mag-uumpisa na ang Nuclear Family ni Direk Jason Paul at ang horror film na Smell Of Fear ng Italian director na si Paolo Bertola.
Kapuri-puri ang sunod-sunod na panalo ng BG Productions sa mga International Film Festival. This year ay nanalong Best Children Film ang Child Haus sa 14th Dhaka International Filmfest sa Bangladesh. Nasundan ito ng panalo ng Laut ni Direk Louie sa 35th Fantasporto International Film Festival sa Portugal bilang Special Mention Jury Prize award at nakuha rin ni Barbie Forteza ang Best Actress Award dito. Ilang araw lang ang nakakalipas, nagwagi naman si Allen ng Best Actor sa 4th Silk Road Film Festival sa Ireland para sa Iadya Mo Kami ni Direk Mel at nagwagi rin ito ng Silver REMI Awards sa 39th Worlfest International Film Festival sa Houston Texas.
Nominated naman for Best Director si Direk Joel para Sekyu sa 2016 Madrid International Film Festival. In competion ang Laut sa isang International Film Festival sa New York this June at ang Iadya Mo Kami in competition din sa International Film Festival sa Italy na gaganapin sa September.
“Proud ako ang ginagawa naming movies, we make sure na mapapansin sa international scene. Gusto naming ganyan ang maging tatak ng BG, may quality talaga. Nakaka-inspired, nakikilala na ang pelikulang gawa ng BG Productions, hindi lang sa Pilipinas kundi sa abroad kaya proud Pinoy ako everytime na nananalo kami sa ibang bansa,” masayang saad pa ng masipag na businesswoman.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio