TUWANG-TUWA ang Japanese actor/producer na si Jacky Woo dahil sa nominado sa Madrid International Film Festival ang pelikula nilang Tomodachi ng Global Japan Incorpora-ted.
Tatlo ang nakuha nilang nominasyon sa naturang international filmfest at ito’y ang Best Foreign Language Feature Film, Best Original Screenplay, at Best Original Score. Sa July 2-7 gaganapin ang Madrid International Film Festival sa Madrid, Spain.
Nang nakapanayam namin noon si Jacky, aminado siyang inspiradong gawin ang pelikulang Tomodachi dahil sobra siyang nagandahan sa project at dahil sa respeto niya sa hinahangaang director nitong si Joel Lamangan.
Ang pelikulang Tomodachi (na ang kahulugan ay kaibigan) ay hinggil sa pagmamahalan nina Toshiro (Jacky) at Rosalinda (Bela Padilla). Isang pag-iibigan sa pagitan ng isang sundalong Hapon at Filipina na naganap sa ilalim ng digmaan.
Ayon kay Jacky, “Nagpapasalamat ako na nakatrabaho ko ulit si Direk Joel. Kasi, siya ang pinakamagaling na direktor sa Pilipinas. Kaya iyong mga emotion ko ay nailalabas ko dito ng maayos kapag kasama ko si Direk Joel. Nagpapasalamat din ako sa mga kasama kong actor at aktres dito.”
Sa tulong ng interpreter, ipinahayag pa ni Jacky na panagarap niyang kilalanin bilang dramatic aktor, kaya inspirado at bigay-todo raw siya sa pagganap dito sa Tomodachi.
“Siyempre I like this country, maybe kalahati puso (ko) Filipino. May bahay na (ako rito), maybe dito mag-stay. I like itong Pilipinas at itong showbiz. Gusto ko lagi mag-work dito sa showbiz.”
Bukod kina Jacky at Bela, ang Tomodachi ay tinapukan nina Pancho Magno, Hiro Peralta, Jim Pebanco, Tony Mabesa, Lui Manansala, Elora Espano, Sue Prado, ang Japanese actor na si Shin Nakamura at ng beteranong actor na si Eddie Garcia.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio