NAIA Immigration Officer inireklamo! (ATTN: SoJ Emmanuel Caparas)
Amor Virata
May 9, 2016
Opinion
SI Melony Moises, isang dating overseas Filipino workers (OFW) sa Middle East ay nagtayo na lamang ng negosyo sa bansa, upang hindi na niya maiwan ang kanyang pamilya.
Ang kanyang itinayong negosyo ay isang installation services sa kanyang probinsiya sa Baluarte, Santiago City at meron siyang business partner na Arabo. Siya’y naimbitahan na pumunta sa Bahrain, pinadalhan ng requirements sa Airport lalo sa Immigration, invitation at passport ng business partner niya.
***
April 20, 2016 ang alis niya para makipagkita sa partner niya sa Bahrain, pero nabigo siya nang harangin siya ng Bureau of Immigration sa NAIA kaya hindi siya nakaalis at binigyan siya ng requirements.
Agad niyang kinompleto at April 26, 2016. muli siyang nagpa-rebook pero hindi siya ulit nakaalis dahil ang daming hinihingi na naman ng Immigration at pilit ipinalalabas ang pera niya mula sa ATM.
***
Sabi ni Melony hindi siya nagdadala ng cash dahil may International ATM naman siya at doon na siya magwi-withdraw ng pera at ipinakikita naman niya ang kanyang bank records na mga withdrawal slip.
April 27, agad siyang nagtungo sa Immigration Main Office sa Intramuros, Maynila at binigyan na naman siya ng pinakokompletong requirements, at nagbigay ng written note ang isang Immigration Officer na si Abinal, dalhin daw ni Melony sa airport kapag kompleto na.
***
April 30, 2016 agad nagpare-book ng flight si Melony ngunit muling nabigong makaalis kahit ipinakita niya ang written letter ni IO Usman Abinal mula sa BI Main Office .
Hindi pala ito kinilala o inio-honor ng Immigration Officer sa Airport na si Rose Borbon.
Bigo na naman si Ms. Moises, dahil hindi na naman siya nakaalis. Nang bumababa siya sa Departure area ng NAIA 1 ay naraanan niya ang NAIA media affairs office, pumasok siya rito para magreklamo sa sinapit niya sa malupit na Immigration officer. Nagkataon na nanonood ng TV sa loob si Ariel Fernandez reporter ng Manila Bulletin, at isinumbong niya ang mapait na karanasan niya.
Tinanong din niya kung saan daw siya puwedeng mag-file ng relamo dahil tatlong beses na siyang ‘di pinaaalis kahit kompleto na ang requirements niya.
Agad sinamahan ni Mr. Fernandez patungo sa Immigration office upang iberipika kung totoo ang akusasyon ni Ms. Moises.
Sa verification ng NAIA press sa Immigration office NAIA terminal 1 departure, TCEU kung ano ang problema, agad na humarap si immigration Officer Ms. Rose Borbon, at sabi niya pumila raw kasi ng ibang window si Ms. Moises at tinutukoy niya ang nagbigay ng written letter na si Abinal na natapat doon na hindi naman nila kasama sa division sa BI Travel Control Enforcement Unit TCEU.
Pilit daw pinalalabas ang cash money na dala niya, dahil walang dalang cash, ATM card ang ipinakita ni Ms. Moises.
Tanging sama ng loob na lamang ang kinimkim ni Ms. Moises dahil wala rin nangyari dahil nanindigan ang TCEU na si Rose Borbon na dapat ang Visa ni Melony Moises ay tourist at dapat may kamaganak siya sa Abroad na mag-i-invite sa kanya hindi ang foreigner.
Habang inaalam ng reporter na si Mr. Fernandez ang tunay na pangyayari, may isang lalaki na immigration officer ang sumigaw ng “may video bini-bidyuhan kayo niyan” at agad na hinablot ang media ID ng reporter ni Immigration Officer Borbon at igagawa daw niya ito ng report.
***
Ang sinabing dahilan kaya kinuha ang media ID ni Fernandez ay upang ipa-xerox dahil nagpa-facilitate daw si Fernandez ng pasahero.
Anak ng pating!!!
May balidong reklamo ang isang kababayan natin kaya umaksiyon si Mr. Fernandez bilang isang lehitimong media man sa NAIA.
Pero maging siya ay nakaranas ng kalupitan at kabastusan ni TCEU Rose Borbon. Inaakusahan pa ni Borbon na facilitator ang beteranong reporter sa airport.
SOJ Caparas at BI Comm. Geron, ang mga katulad ba ni Borbon ay dapat pa bang manatili sa airport?!
Hindi kaya mas bagay na sa Zamboanga ninyo i-assign ‘yan!