Ang aking unang anim na Senador para sa Mayo 9
Jerry Yap
May 2, 2016
Bulabugin
NGAYON pa lang, gusto nang ipaalam ng inyong lingkod ang lalamanin ng ating balota.
Mayroon na tayong napiling anim na Senador, habang pinag-iisipan pa natin ‘yung huling anim.
Si Senator Juan Miguel Zubiri. Isang taong may delicadeza at may pagpapahalaga sa mga mamamahayag.
Nang masangkot sa kontrobersiya ang kanyang pangalan kaugnay ng resulta ng eleskiyon, hindi na kailangan magdalawang salita pa, agad nag-resign sa puwesto si Senator Zubiri at buong pusong ibinigay ang puwesto kay Sen. Koko Pimentel.
Noong ang inyong lingkod ay presidente ng National Press Club (NPC), sinagot niya ang kalahati ng gastusin para sa insurance ng aming mga miyembro.
Walang dalawang salita kapag nagbigay ng commitment si Senator Zubiri. Siya ang ating number 1.
Si Senator Richard Gordon. Kung gaano siya kabilis magsalita, ganoon din siya kabilis magtrabaho.
Hindi yata kilala ni Senator Dick ang salitang pahinga, upo, tamad at kupad.
Siya lang ang nakita nating Senador na hindi nauubusan ng energy at lalong hindi nauubusan ng ideya kung paano imo-motivate ang sambayanan para lumahok sa pagpapasigla ng turismo sa ating bansa.
Huwag po ninyong tatanggalin sa line-up ng inyong mga iboboto ang isang mambabatas na katulad ni Dick Gordon. Number 2 ko ‘yan.
Si dating MMDA chair Francis Tolentino.
Hinangaan rin natin siya sa kanyang delicadeza at paninindigan.
Nang masangkot sa kontrobersiyal na performance ng isang grupo ng mga mananayaw sa caucus ng Liberal Party ang kanyang pangalan, agad din siyang nagbitiw sa partido pero itinuloy ang kandidatura bilang independent senatorial candidate.
Si Tolentino, dating alkalde ng Tagaytay City ang isa sa mga susing tao kung bakit nag-boom ang turismo at ekonomiya sa bulubunduking siyudad ng Cavite.
Bilib tayo sa ipinakikita niyang fighting spirit.
Sina Madam Toots Ople at Atty. Lorna Kapunan ay pinaniniwalan nating malaki ang maitutulong sa pagsusulong ng kagalingan ng overseas Filipino workers (OFWs) at pagpapatupad ng tamang batas at hustisya sa ating bansa.
Hindi na kailangan sumikat ni Madam Toots Ople sa kanyang ginagawang pagtulong sa OFWs. Tuloy-tuloy ang kanyang pag-alalay, may publicity man o wala, may pondo o kapos rito, ang importante serbisyo para sa OFWs.
Si Atty. Kapunan, klarong-klaro ang kanyang bisyon sa justice system ng ating bansa. Alam niya kung paano ito gagawin at ipatutupad.
Higit sa lahat, sina Madam Toots Ople at Atty. Kapunan ay walang lambong ang mga pagkatao.
Hindi gaya ng dalawa ‘este’ iba riyan na parang kinakaladkad pa ang kaimoralan sa publiko.
Ople at Kapunan po, pakidagdag sa inyong listahan.
At si Senator Ping Lacson? Mayroon pa ba tayong masasabi?!
Siya lang yata ang may yagbols sa mga Senador na nakilala natin.
Para sa kanya, bawal ang PORK BARREL. Huwag na nating pag-usapan kung paano siya magpatupad ng peace & order dahil siya naman ay mambabatas. Pero nakita natin noon kung paano siya magtrabaho bilang PNP chief.
Huwag rin po natin siyang kalimutan.
Sila po ang unang anim na Senador sa ating listahan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com