IPINAHAYAG ni Martin Escudero na gusto niyang maging aktibo ulit sa paggawa ng pelikula. Kaya naman natutuwa siya na dalawang pelikula ang nakatakda niyang gawin ngayon. Ito ang Something Called Tangana at ang indie film na Lady Fish.
Nagpapasalamat si Martin dahil sa pagpasok ng taon ay nagkaroon agad siya ng dalawang movie project.
“Lagi ko namang ipinagdadasal iyan, habang maaga pa sa taon na ito, makagawa ako ng magagandang pelikula. Bungad pa lang naman ng taon, simula pa lang ng taon at binigyan na ako ng magagandang linya ng projects.
“So, sana etong taong 2016, magtuloy-tuloy at maraming mga magagandang projects na dumating,” saad sa amin ni Martin nang nakapanayam namin siya sa Music Box nang naging guest siya recently sa show na Voices and Strings nina LA Santos, Tori Garcia, Mavi Lozano, Erika Mae Salas, Josh Yape, at Lara Lisondra.
Matatandaang mas nakilala si Martin sa pelikulang Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington na pinagbidahan niya noong 2011. Sa pelikulang ito rin kinilala ang galing ni Martin at nanalo siya rito ng dalawang Best Actor award sa Golden Screen Awards ng ENPRESS at Gawad Tanglaw.
“Ang ginagawa ko pong dalawang movie ay isang Regal at isang indie. ‘Yung sa Regal ang title ay Something Called Tangana, comedy siya. Kasama ko rito sina Direk Eric Quizon, Kean Cipriano, at iba pa. Si Direk Joel Lamangan ang direktor.
“Actually, nagsimula na po kami sa Regal, hindi pa lang kumpleto talaga iyong casts.
“Iyong isa pang movie ko ay Lady Fish ang title, comedy rin. Parehong transgender ang role ko sa dalawang movie na ito. Ayun yung usual na mabait, tapos gusto niyang magkaroon ng sariling pamilya… Maganda ito, comedy, “ nakangiting dagdag pa ni Martin.
Gusto mo bang maging ganoon ulit ang career mo after ng movie mong Zombadings?
“Sana, sana… Kasi matagal din akong naghintay na makagawa ng ganoong character. Siguro pinagpala lang talaga tayo nang todo ngayon, kasi dalawang sabay yung ginawa natin ngayon. Sana tangkilikin nang mga manonood katulad noong Zombadings.”
Under contract pa rin si Martin sa TV5 hanggang February next year, kaya inusisa namin siya kungnanghihinayang ba siya sa nangyari sa kanila?
“Siyempre hangad natin iyong ikagaganda ng network natin. Pero ganoon talaga, may panahon na mataas ka, pero may panahon na mababa. Pero sa nakikita ko naman sa kanila, hindi sila sumusuko eh, kaya iyon ‘yung magandang attitude sa kanila.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio